Homecoming

Naaalala n’yo pa ba ang inyong high school love story? Narito ang isang maikling kwentong magpapaalala sa ating mga kilig moments noon. Sinulat ito ni Irish Mae Ignacio, at unang nalathala sa kanyang blog na may pangalang Tagalog Dito. Sana’y magustuhan n’yo at magbigay ng inspirasyon sa lahat na isulat at ibahagi sa amin ang inyong mga “musmos” na kwento ng pag-ibig.

***

Homecoming
Sinulat ni Irish Mae Ignacio

Halos malunod ka na sa mga papuring naririnig mo mula sa mga dati mong kaklase noong high school. Kesyo wala raw halos nagbago sa ‘yo, ang puti-puti mo na, ang seksi-seksi pa at pang-Creamsilk commercial ang iyong buhok.

Nangingiti ka habang ninanamnam ang mga papuring iyon. Totoo man o hindi ang mga ito ay wala kang pakialam. Isang buwan mula nang malaman mo ang tungkol sa homecoming ninyong magkakaklase ay talagang pinaghandaan mo na ito. Gusto mong maging magandang-maganda ka. Gusto mo rin namang muling makasama ang mga dati mong kaklase dahil kahit papaano’y nasasabik ka sa kanila. Pero may isang tao ka talagang gustung-gustong makita. Isang taong hinding-hindi mo makalilimutan. Isang taong nagmarka nang sobrang lalim sa iyong puso.

Sampung taon na ang nakalipas mula noong madamdaming araw ng inyong pagtatapos. Iginala mo ang iyong mga mata. Ang daming nagbago. Wala na ang mga dati ay pawisin at patpating batang kilala mo. Karamihan ay mga guro na, inhinyero, may mga namamasukan sa opisina at ang iba ay nagsimula ng maliliit na negosyo. Mayroon din namang nagsipag-asawa nang maaga at ngayon ay may mga anak na.

Masaya kang nakikipagkwentuhan sa iba pang naroon nang mapatingin ka sa pintuan ng bulwagang pinagdarausan ng pagtitipon. Nandito na siya. Ang taong kaninang-kanina mo pa hinihintay. Mas tumangkad siya ngayon ngunit walang nabago sa maamo niyang mukha. Parang kahapon lang mula nang huli mong pinagmasdan ang kanyang mga mata, ilong at labi. Nandoon pa rin ang nunal niya sa kaliwang kilay. At sa wakas ay ngumiti siya. Biglang lumakas ang kabog ng iyong dibdib at natakot kang baka masira ang tatag na kaytagal mong inipon.

“Long time no see,” bati nito sa ‘yo at sa iba pa ninyong mga kaklase.

Awtimatikong sumilay ang ngiti sa labi mo na ilang ulit mong sinanay sa harap ng salamin. Pigil na pigil mo ang panginginig nito. Hindi maaaring mahalata ninuman na kinakabahan ka. Kailangan mong ipakitang ayos ka na at hindi na apektado ng kanyang presensya.

“Kumusta? Lalo kang gumanda,” baling nito sa ‘yo.

“Salamat. Heto, okay naman. Masaya,” ang sagot mo sa masiglang tinig.

Tumangu-tango ito samantalang binati mo naman ang iyong sarili sapagkat maayos mong nasabi ang iyong linya. Pang-best actress kumbaga.

Naupo ito sa lamesang kinauupuan mo at masayang nakipagkwentuhan. Palihim mo naman itong pinagmamasdan. Malikot pa rin ang kamay nito kapag nagsasalita at malutong pa rin itong tatawa. Accountant na pala ito ngayon sa isang multinational company. Napagtapos na rin nito ang dalawang nakababatang kapatid.

“Sa susunod, sa kasal ko naman ang reunion,” ang sabi nito. Nagniningning ang mga mata.

Biglang nanigas ang leeg mo. Wala ka ring maapuhap na salita habang ‘di naman magkamayaw ang mga kaklase ninyo sa pagbati at panunukso. Gusto raw sanang sumama ng nobya nito ngayon ngunit naudlot dahil sa trabaho. Matagal na raw talaga nilang balak magpakasal at alam na rin ito ng kanilang mga magulang. Imbitado raw kaming lahat.

Kasal? Ikakasal na pala siya. Habang ikaw ay namumuhay pa rin sa kahapon. Tandang-tanda mo pa rin ang sakit ng unang pagkabigo ng bata mong puso. Araw-araw ay binabalikan mo ang mga masasayang alaala ng tatlong taon ninyong relasyon.

“Tatlong taon din ‘yon pero bakit tila nakalimutan mo na?” gusto mo sanang itanong sa kanya ngunit pinigil mo ang iyong sarili.

Hindi ka iiyak. Hinding-hindi ka iiyak. Dahil bakit ka naman iiyak? Ano ba ang karapatan mong umiyak? Hindi mo naman iniisip na babalikan ka niya, ‘di ba? Natural lang din naman na makahanap na siya ng babaeng iibigin sa haba ng panahon mula nang matapos ang lahat sa inyo. Mahirap lang talagang tanggapin na nakalimot na ang lahat at ikaw na lang pala ang naiwan sa nakalipas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s