Kaybuti ni Itay

baranggay article

Balak sana naming ilathala ang artikulong ito noong nakaraang Araw ng mga Tatay. Pero dahil sa maraming kaabalahan ay hindi na ito umabot. Kwento ito na sinulat ng aming kamag-aral na si Eva Llabres at nalathala sa Ang Baranggay (Setyembre-Oktubre 1977). Sana ay inyong magustuhan.

At pakiabangan na rin ang mga kwentong sinulat nina Lito Parungo, Jaime Borja, Ariel Dimacali, at iba pang kamag-aral.

***

Kaybuti ni Itay

Sinulat ni Minerva D. Llabres

Pangkaraniwang tsuper lamang si Itay. Nguni’t gayunpaman isa-isa niyang napag-aral ang aking mga kapatid ng mga kursong ibig nila. Aywan, nguni’t marahil ay sadyang bigo siya sa aking mga kapatid sapagka’t isa-isa silang nagsipag-asawa ilang buwan lamang makalipas ang kanilang pagtatapos.

Ngayon, sa piling ng kani-kanilang pamilya, sila ay mariwasang namumuhay. At kami nina Itay at Inay ay di man lang naisipang dalawin kahit minsan sa isang taon. Si Itay? Ah, kahit minsan ay di ko siyang nabanaagan ng kahit na katiting mang sama ng loob sa panig ng mga kapatid ko. Si Itay na sana’y hindi na naghahanapbuhay kundi namamahinga na lamang sana sa isang upuang tumba-tumba at hindi na nagmamaneho ng sasakyan sa araw-araw na kung minsan ay abutan ng malakas na ulan o dili kaya ay pawisang umuuwi ng bahay. Ah! Marahil ay sinasarili na lang niya ang sama ng loob. Kung minsan ako’t nababahala na rin dahil baka kung kailang ako dumating sa kolehiyo’y saka pa ako pahintuin ni Itay sa pag-aaral dahil sa kawalan ng pag-asa. Na baka isipin niya na ako’y matutulad lamang sa aking mga kapatid.

Isang araw, pagbungad ko sa pinto ako’y nabigla sa aking narinig. Kausap pala noon ni Itay si Tiya Rita.

“Kung ako ikaw, bakit ko pa patutuntungin ng kolehiyo si Eva? Hindi ka na ba nadala sa ginawa ng mga anak mo na matapos mong pag-aralin ay ano ang iginanti, hayun at lumarga na sa pag-aasawa.”

Walang namutawi sa labi ni Itay. Marahil ay sumang-ayon siya kay Tiya Rita.

Sayang! Ang malaon ko nang pangarap na maging isang guro at di na magkakaroon ng katuparan. Di ko rin masisisi si Itay. Kundi marahil sa aking mga kapatid ay di ko aabutin ang ganitong kalagayan. Ngunit matibay pa rin ang aking paninindigan na di ko sila tutularan.

Lumipas ang mga buwan, at ngayon ay nalalapit na ang NCEE. Bawat kamag-aral ko ay pinag-uusapan kung ano ang kukuning kurso. Nakakainggit sila sapagka’t tiyak na sila ay makakapag-aral pa.

Isang gabi, halos katatapos ko pa lamang hugasan ang aming pinagkanan nang tawagin ako ni Itay at tinanong niya kung ano raw ba ang resulta ng aking pag-aaral. Hindi ako naglihim sa kanya. Sinabi kong tila hindi ako makapagpapakita ng mataas na marka sa kanila ni Inay sa taong ito na di tulad noong mga taong nakaraan, pulos mataas na marka ang inuuwi ko sa aming tahanan na ikinasisiya naman nila. Nguni’t inilihim ko kay Itay ang aking narining na sinabi sa kanya ni Tiya Rita.

Sinabi niya sa akin na pilitin ko pang makakuha ng medyo matataas pang marka kung maaari.

“Bakit naman?” ang tanong ko sa kanya.

“Bakit pa raw, eh di mag-aaral ka sa kolehiyo, ano pa! Hindi ba’t pangarap mong maging guro ha? Kailangang pagbutihin mo upang hindi naman kahiya-hiya ang marka mo pagdating mo sa kolehiyo.”

“Ano? Ang ibig n’yong sabihi’y …”

Hindi ko na naipagpatuloy ang aking sasabihin at tuluyan na akong napaiyak at napayakap sa kanya. Ang akala ko ay wala na akong pag-asang makapagpatuloy ng pag-aaral.

“Oo, nakalimot sila, nguni’t kung iisipin mo, tulad ng ibang ama na naghihintay ng kabayaran kaya ko sila pinag-aral ay nagkakamali ka anak. Mga anak ko kayo, at ako bilang ama ay tungkulin kong palakihin kayo, pag-aralin at ibigay ang pangangailangan. Kung kayo’y tapos na sa pag-aaral, maaalala nyo ako salamat nguni’t hindi ako naghihintay ng kabayaran. Alam ng Diyos na ginagampanan ko ang aking tungkulin bilang haligi ng tahanan at pinalaki ko kayong may dignidad.”

Ngayon ko siya higit na naunawaan. Kaybuti ni Itay …

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s