Sulat kay Eric

eric

Dear Eric,

Natanggap ko mensahe mo sa Facebook. Pasensya na at huli na ko sumagot. Hindi naman kasi ako madalas mag-login dun. Kaya heto email na lang.

Dadalawin ka ni ermat one of these days. “Ay, oo, sige puntahan ko. Si Eric pa! Napakabait nung kaklase mong yun,” sabi niya nung pakiusapan kong makibalita tungkol sa kalagayan mo. Nagulat nga ako sa balita ni Eddie. ‘Kala ko pa naman OK na lagay mo. Nang dalawin kita sa ospital, kahit pa nga nakita kong namayat ka talaga, ang pakiramdam ko’y makakabawi ka rin. Madaldal ka pa rin kasi, tulad nang dati.

Nakita ko mga pics ng mga peps nung dumalaw sila sa iyo. Pinadala ni Ana Marie. Tiyak na pampataas ng moral ang dalaw nilang iyon, lalo pa nga’t babalik ka na naman pala ng ospital. Nakakatuwa nga kayong tignan. Kahit paano ay nagagawa pa rin nating magkita-kita hindi lamang sa panahon ng kasiyahan kundi pati na rin sa mga pagkakataong katulad nito.

Napabilang din akong bigla. Tatlumpung-walong taon na rin pala tayong magkakilala. First year high school tayo noon, 1974, noong una tayong magkita sa Lakan Dula. Sama-sama tayo noon nina Bernie, Orly, Arnel… Pero ikaw lang ang nakaklase ko hanggang fourth year. Talagang di mo pala ko hiniwalayan, kahit pa nga hindi ka naging myembro ng Apat na Sikat o ng Regelike.

Grabe! Panibagong pagbabaliktanaw na naman ito, Eric.

Naalala ko rin ang naging papel mo sa grupo mula noong paghiwa-hiwalayin tayo ng kolehiyo. Ikaw lagi ang masipag na tumipon sa barkada kapag nararamdaman mong dumadalang na ang ating pagkikita. Bigla na lang, susulpot ka sa amin at aayain mo kong dumaan kay Keith, o kay Jimmy, o kay Eddie, o kay Mario. O maging sa mga barkada natin sa Caloocan. Tama nga ang naisulat na namin dito na kung di dahil sa iyo, malamang na hindi natin napanatili ang magandang pagsasamang nasimulan natin noong tayo’y nagpapatintero at nagtsa-chinese garter pa.

Ganunpaman, dumating din tayo sa panahong nahirapan tayong ibalik sa dati ang ating samahan. Marami na rin kasi sa atin ang nangibang-bayan. Bukod pa rito ay ang pagkakaroon na rin ng marami sa atin ng kanya-kanyang pamilya. Kaya kahit sabik pa rin tayong makita ang dating mga kamag-aral, di na rin uubra dahil sa bagong sitwasyon. Nakadagdag pa ang kalagayang hindi pa uso noon ang cellphone at internet.

Nabuo na lang tayo muli noong 2008. Pero di ka rin nakarating sa paggunita ng ating ika-30 taon ng ating pagsasama-sama. Nasa Saudi ka pa kasi noon. Pero di ka rin naman nagpahuli; sa mga sumunod na lakad ay madalas ka na ring kasama.

Noong 2011-2012 halos lahat tayo ay naging golden boys and girls na. Iba-iba rin ang dating nito sa ating mga peps. Katulad na lang ni Larry, madalas magreklamo na marami na raw siyang nararamdaman sa katawan. Ilan naman sa atin, biglang nagbalik-eskwela para hindi raw pumurol ang utak. At ngayon, ikaw naman, biglang nagkaroon ng mabigat na karamdaman.

Tinitignan ko ang mga bago mong pics sa Facebook. Ang laki na ng inilaglag ng katawan mo. Talaga bang maayos na ang pakiramdam mo, tulad ng pagkakasabi mo kay ermat? Sana nga. Nagpapalakas ng loob sa akin ang madalas mong pagpopost sa iyong timeline. Inaabangan ko ang mga iyon, pati na ang maiigsi mong mensahe sa akin.

Basta magpagaling ka. Malapit na ang grand reunion sa LDHS at sigurado akong inaabangan mo rin ‘yun. Balitaan mo ako kung sinu-sino ang dumalo, ha? At kumuha ka rin ng maraming litrato para maipost natin sa ating blog.

Sige. Kumusta na lang sa lahat.

L.

[Mga pinagsama-samang sulat ito kay Eric bago siya tuluyang mamaalam.]

One thought on “Sulat kay Eric

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s