Isang hapon ng Mayo


Noong Hulyo 21, 1974 ay ginanap sa Pilipinas ang Miss Universe. Hindi magkandaugaga ang buong bansa para sa pakulong ito, at maging tayo ay di nakaligtas sa kaabalahan.

Unang taon natin noon sa LDHS, kung inyo pang natatandaan, nang pinahilera tayo ng ating mga guro sa Juan Luna, sa labas ng Tiaoqui Annex, para panoorin ang parada ng mga makukulay na karosang naglululan ng ilang kandidatang natokang dumalaw sa Tundo. Maraming namangha sa atin: sa kauna-unahang pagkakataon kasi’y nakakita tayo ng mga dayuhang iba-iba rin ang kulay.

Maraming Pinoy ang biglang naging eksperto sa kagandahan. May kanya-kanyang manok, may kanya-kanyang listahan ng para sa kanila’y karapat-dapat na manalo.  Pati pangalan ng mga kalahok ay naisaulo. Sa araw ng paligsahan, tumahimik ang bansa dahil abala ang lahat sa panonood sa telebisyon. O pakikinig sa radyo, tulad ng ating bida sa kuwentong ibabahagi namin ngayon dito. Siya si Billy, na katulad nati’y trese anyos din noong ganapin ang patimpalak na ginamit bilang background ng kuwento.

Ang kathang  ito ay sinulat ni Heidi Emily Eusebio-Abad, kasalukuyang associate professor sa department of English & Comparative Literature, College of Arts & Letters, ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Pasantabi: Sa titulo pa lang ay makikitang naganap ang kuwento noong Mayo (1974), na malinaw na kaiba sa aktwal na araw ng paligsahan. Inaarok pa namin ang dahilan ng pagkakaibang ito. Ganunpaman, muling masisilip sa kuwento ang likas na pagtangi at pagkalinga ng mga Pinoy sa kanilang mga mahal sa buhay, sa panahon ng paglala ng krisis pang-ekonomya sa Pilipinas at paglisan ng libu-libong Pinoy para magtrabaho sa labas ng bansa.

Isang hapon ng Mayo
Sinulat ni Heidi Emily Eusebio-Abad

Magdadalawang linggo pa lang akong trese anyos noon. Nasa kalagitnaan ng bakasyon, buwan ng Mayo, araw ng unang patak ng ulan sa tag-init.

Kumapit sa kamiseta ko ang amoy ng alimuom na sumingaw mula sa aming bakuran. Pinapanood ko noon ang mga nabulabog na puting langgam na namahay sa posteng kahoy ng aming garahe.

“Billy! Billy!” tawag ng aking lola mula sa loob ng bahay.

“Nariyan na po!” sigaw ko na may halong kaunting inis.

Panlimang beses na kasi akong tinawag ng lola. Nung una ay para buksan ang radyo sa kaniyang paboritong drama mula kay “Tiya Dely”. Pangalawang beses ay para mag-ipon sa baso ng unang patak ng ulan ng Mayo. Mainam daw itong ipahid sa bahagi ng katawan na sumasakit gaya ng tiyan o balakang. Kung ganoon din lang ay bakit di na lang inumin para laban sa sakit. Sinubukan ko. Isang lagok. “Aaagh!” Lasang tanso. Baka lalo pa akong magkasakit dito.

Ang pangatlong tawag ni lola ay dahil sa natapon ang tubig. Nabitiwan kasi niya ang baso. Hay naku! Madalas ngang mangyari ito mula nang na-stroke si lola. Hindi niya kasi magalaw ang kaliwang kalahati ng kanyang katawan.

At ang pang-apat na tawag niya? Para tanungin kung umuulan pa ba sa labas. Gusto pa sana ni lola na magpakuha ulit ng tubig-ulan.

“Dagliang ambon nga lang po iyon, e,” ang sabi ko. “Labas na po ang araw.”

Tapos ay sinabayan ko ito ng takbo palabas ng bahay. May inaabangan kasi ako.

Ngayong araw na ito, alas-onse ng umaga, ipalalabas ang Miss Universe 1974 Beauty Pageant. Malas nga lang at nasira ang aming TV na mukhang kasing-tanda ng aking lola. Black and white pa kasi. Sa kapitbahay, kina Nonoy na siyang kalaro ko, mayroon silang bagong telebisyon. Nakabili sila ng colored TV mula sa padalang pera ng kanilang tatay na nagtratrabaho sa Saudi.

Medyo nga akong nagtampo kay tatay na nasa Saudi rin dahil ayaw niyang ipagamit ang perang pinadadala sa amin para sa colored TV. Puwede pa naman daw yung black and white. Naikuwento ni Kuya Allan ko na kung buhay lang siguro si nanay ay pinayagan na kami. Mas liberal daw kasi si nanay. Di ko ito alam dahil namatay si nanay sa panganganak sa akin. Si kuya naman ay pitong taon na noon kayat natatandaan niya si nanay. Mula noon ay si lola ang naging tagapag-alaga sa amin ni kuya.

Malamang ay nagtataka kayo kung bakit naman ako nagkakandarapang makapanuod ng beauty contest, e, pambabae lang iyon. E, iyon na nga. Marami itong mga babae na nagbuhat pa sa iba’t ibang mga bansa. Nakita ko sa diyaryo na inuwi ni Kuya Allan ang retrato ng mga babaeng naka-swim suit. Ang gaganda nila. May kamukha ni Bb. Lopez na titser ko sa Araling Panlipunan. Mayroon ding kamukha ng isa sa mga ate ni Nonoy – kamukha ni Miss Spain si Ate Rowena. Haaay, si Ate Rowena. Wala sa talampakan ng ganda niya ang aming mga kabarkadang babae. Ang susungit kasi ng iba naming mga kakilalang dalagita rito. Di gaya ni Ate Rowena na palangiti.

Sana ay makikipanood ako ng TV kina Nonoy. Hindi naman ako pinayagan ng lola. Nakahihiya raw at oras ng pagkain. Sabi ko’y kakain na lang ako sa amin ng mas maaga. Hindi pa rin pumayag. Baka raw hindi pa nakaluluto ang aming kusinera.

Hinila ko sa tabi ng pader ang maikling bangko na ginagamit namin sa garahe. Nilatag ko ang diyaryong uwi ni kuya sa ibabaw nito. Binuksan ko ang diyaryo sa pahina ng mga retrato ng Miss Universe contestants.

Dahil ito ang kauna-unahang pagganap ng paligsahan dito sa Pilipinas, nagpakitang gilas ang gobiyerno sa mala-piyestang selebrasyon nito. Halos lahat ay nakatutok sa bawat kilos ng mga contestant. Para naman sa akin, ito ang una kong pagkakataong mangilatis ng ganda ng mga babae, di lamang ng mukha kundi pati ng katawan.

“Naku, wala akong bolpen,” sabi ko sa sarili.

Marahan kong binuksan ang pinto papasok sa bahay. Nakaupo si lola sa tabi ng bintanang tanaw ang garahe at bakuran. Mukhang nakaidlip siya. Tahimik akong lumakad papalapit sa mesitang pinaglagyan ko ng gamit pang-eskuwela. Kinuha ko ang bolpen at muling lumabas sa garahe.

Nag-umpisa na ang programa. Narinig ko ang palakpakan ng mga taong nanonood sa paligsahan.

“Tiyempong-tiyempo ako,” kausap ko pa rin ang sarili.

Hindi ko man mapanood ang programa ay dinig na dinig ko ang musika at mga sinasabi rito. Tuwing may tatawaging contestant ng isang bansa ay titingnan ko naman sa hawak kong diyaryo ang hitsura niya. Ganito ko natagalan ang panonood, ay pakikinig pala, ng Miss Universe.

Ganito pala ang makinig sa radyo tulad ng ginagawa ni lola. Nakalipas siguro ang isang oras. Parang naging laro ang aking pakikinig sa programa. Hinulaan ko na lang kung anu-anong klase at kulay ng damit ang suot ng mga dalaga. Siyempre de-kulay ang aking imahinasyon. Hindi ko na nga napanood sa colored TV nila Nonoy, e.

Dumating na sa bahagi ng semi-finals. Hindi ko na matiis ang pagtiyatiyagang ginawa ko sa unang oras na nakalipas. Kailangan kong makita ang mga naggagandahang dilag sa isip ko. Kailangan ko ring malaman kung isa sa mga nanonood sa kabilang bahay ay si Ate Rowena.

Naisipan kong akyatin ang puno ng bayabas sa tabi ng pader. Sa una kong pagsampa sa pinakamatabang sanga nito ay muntik pa akong mahulog. Ang dulas pala nito kapag naulanan. Tapos ay tumuntong ako sa ibabaw ng pader na pagitan ng aming bakuran.

Tanaw na tanaw ko ang matitingkad na kulay sa telebisyon nila Nonoy. Buti na lang at nakapuwesto ito sa gitna ng kanilang sala. Nakita ko si Nonoy. Naroon din ang tatlo niyang nakatatandang kapatid na babae. Kasama doon si Ate Rowena. Nakaupo sila sa isang mababang sopa kaya’t tanaw ko pa rin ang TV kahit na nasa harapan sila nito. Hindi nila ako napansin dahil nakatalikod sila sa akin.

Di nagtagal ay dumating ang iba pang nagbalak ding makipanuod sa colored TV nila Nonoy. May apat na dalagitang hindi ko gaanong kilala at ang tatlo pa sa aming mga kabarkadang babae ni Nonoy.

Isa-isang tinawag ng host ang labindalawang semi-finalists. Para akong sirang-ulo na nagwawasiwas ng dahon ng bayabas tuwing natatawag ang aking mga hinulaang mapipili. Siyempre kasali si Miss Philippines . Naroon din ang paborito kong si Miss Spain . Sa kabuuan, pito sa mga napili ay mga kandidatong boto ko. Puwede pala akong maging judge sa beauty contest. Marunong kumilatis ng ganda.

“Hijo, hijo, baka mahulog ka,” bigla kong narinig ang boses ni lola.

“A, hindi po ‘la,” malakas kong sinabi, sabay ngiting kabayo. “Nangunguha lang po ako ng bayabas.”

Dahil sa nakatanaw pa rin si lola sa akin ay nagkunwari akong umabot ng bunga kahit bubot pa ang mga ito.

“Billy, bumaba ka na at kakain na,” bilin ng lola.

“Nandiyan na po,” sagot ko.

Mabuti na lang at natapos kong mapanood ang semi-finals. Pagbalik ko sa garahe ay agad kong binilugan ang mga pangalan ng mga kandidatong natawag sa entablado.

Pinakinggan ko ang TV sa kabilang bahay. Mukhang hininaan nang bahagya ang tunog. Siguro ay puro patalastas na naman.

Naramdaman kong kumulo ang aking tiyan. Puwede sigurong kumain muna habang hindi pa nagpapatuloy ang programa.

Pumasok ako sa bahay. Nakahain na ang pagkain sa mesa. Mula nang magtrabaho si tatay sa Saudi, dalawang taon nang nakalilipas, ay mag-isa lang akong kumakain sa kumedor. Si kuya kasi ay madalas ring wala sa bahay.

Si lola ay namalagi sa kanyang sopa sa sala. Doon siya pakakainin ng aming kasamahang-bahay.

Binilisan ko ang pagsubo at pagnguya ng kanin at adobong manok. Sinubukan kong tikman ang sabaw ng nilaga ngunit masyado pa itong mainit. Baka matagalan pa ako.

Pabalik na sana ako sa labas nang nautusan pa akong kumuha ng inumin para kay lola. Napansin kong lumakas muli ang ingay ng telebisyon sa kabila kayat nagmadali akong kumuha ng tubig sa refrigerator. Habang inaabot ko ang baso kay lola ay narinig ko ang temang musika ng programa at ang palakpakan ng mga manonood.

“Hijo, masyadong malamig itong tubig.” Umubo nang bahagya si lola. “Paki-haluan mo, hijo, ng kaunting mainit na tubig.”

Si lola talaga, naglambing pa.

Pagbalik ko galing kusina ay pinasya kong huwag na ngang magmadali. Tinulungan ko muna si lola sa pag-inom niya ng tubig. Habang siya’y umiinom ay hinulaan ko na baka nag-umpisa na ang long gown competition.

“Salamat, Billy,” sabi niya.

Napuna ko na bukod sa katandaan ng aking lola, may natitira pang ganda ang kaniyang mukha. Nandoon ang lalim ng itim ng kanyang mga mata, ang tangos ng ilong na namana pa sa dugong-Kastila ng kaniyang ama, at ang tamis ng ngiti sa kanyang labi. Ngunit may iba pang pinanggagalingan ng kaniyang ganda. Ito ay ang kagandahang loob niya sa pag-aaruga sa amin noong siya ay malakas pa.

Nung ako’y bata pa, si lola ang tagahatid sa akin sa eskuwela. Siya rin ang namamahala sa trabahong-bahay kaya’t hindi namin kinailangang kumuha ng katulong. Tapos ay na-stroke si lola. Noon nagpasiya si Tatay na magtrabaho sa Saudi. Mas malaki raw ang kikitain niya para sa mga dagdag gastos namin sa pamilya.

“Lola, giniginaw ba kayo?” naisip kong tanungin.

“Oo, Billy. Pakikuha mo nga yung aking balabal sa kuwarto.”

Habang hinahanap ko yung balabal sa silid ng lola ay bigla kong naalala yung Miss Universe. Sa palagay ko ay iniinterbiyu na yung mga contestant.

Pagbalik ko sa sala, inilagay ko ang balabal sa mga balikat ni lola.

“Sige na, hijo,” patuloy niya. “Hindi na kita aabalahin at iidlip muna ako.”

Hinalikan ko siya sa pisngi.

Sa wakas, nakabalik din ako sa aking puwesto. Naku. Tinatawag na pala ang mga finalist at ihahayag na ang mananalo.

“The fourth runner-up is Miss Aruba!” Narinig kong sinabi ng tagapagpahayag.

“Aruba? A,” bulong ko sa aking sarili habang hinahanap ang retrato ni Miss Aruba sa diyaryo. “Tsek! Number 4,” patuloy kong sinabi.

“…is Miss Finland !” patuloy sa programa.

“Teka, teka,” nataranta ako habang binilugan ang retrato ni Miss Finland .

“And the second runner-up is Miss Colombia !”

“A! Third si Finland, second si…” bumulong ako. Pero, teka nga.

Binitiwan ko ang diyaryo. Nagmadali akong umakyat muli sa puno ng bayabas, tumuntong sa pader, at sinubukang tanawin nang malapitan ang telebisyon ng kapitbahay.

Nakatayo na sa entablado sina Miss Wales at Miss Spain. Sila pala ang natirang mga kandidata.

Magkahawak sila ng kamay. Parehong ninenerbyos pero magaganda pa rin. Lumapit ang may-idad na lalaking naka-barong tagalong sa kanilang dalawa.

“First runner-up is Miss Wales. Miss Spain is the new Miss Universe 1974!”

Nagpalakpakan ang mga tagapanood sa TV. Pati na rin sina Nonoy ay nagsipagtalunan at nagpalakpakan.

“Billy! Anong ginagawa mo riyan?” biglang napasigaw si Nonoy sa akin.

Sa gulat at taranta ko, humakbang akong pabalik sa sanga ng punong bayabas ngunit sa dulas nito ay pabaliktad akong nahulog sa kanilang bakuran.

Ang huli kong natandaan ay sumadsad ako sa ibabaw ng makapal na palumpong ng santan. Nang ako’y dumilat, hinaplos ni Ate Rowena ang pisngi ko.

“Billy, nasaktan ka ba?” tanong niya.

“Hi…hindi,” sagot ko naman pero may halong nerbiyos.

Nakapaligid sa amin ang dalawa pang kapatid na babae ni Nonoy, si Nonoy na hindi makapagpigil sa katatawa, at ang iba pa naming mga kaibigan.

“Halika at gamutin natin ang gasgas sa pisngi mo,” patuloy ni Ate Rowena.

Kumuha siya ng pirasong bulak na may Betadine.

“Huwag kang mag-alala,” sabi niya, “Hindi ito mahapdi.”

Mayroon akong napansin nang malapitan ko siyang nakita. Maganda nga siya. Yun lang ang nasa isip ko habang ginagamot ang aking sugat sa mukha. Sa likuran niya ay nakabukas pa ang telebisyon. Kumakaway si Miss Spain, ang bagong Miss Universe.

Kahawig nga ni Miss Spain si Ate Rowena. Pero mayroon pa siyang ibang nakahahawig. Kaya ko pala napili si Miss Spain. Kaya ko pala “crush” si Ate Rowena. Pareho silang kahawig ng aking lola.

Isang hapon noong 1974, bumuhos ang unang ulan ng Mayo. Nung hapon na iyon, natuklasan ko ang ibig sabihin ng tunay na kagandahan. Noon ako nagpasiya na silbihan at mahalin ang isa sa pinakamagandang babae sa buhay ko. Si lola.

2 thoughts on “Isang hapon ng Mayo

  1. Maggie Lopez

    Just in case you didn’t know …

    The actress and former Miss Universe Amparo Muñoz has died

    The actress and former Miss Universe, Amparo Muñoz, has died at the age of 56 after a long illness. Her brother, Pedro Muñoz, announced that she died at her home in Málaga on Sunday night and asked on behalf of the family for ‘absolute privacy’ at his sister’s funeral.

    Amparo Muñoz Quesada was awarded the title of Miss Costa del Sol and then Miss Spain in 1973. She was crowned as Miss Universe in July 1974, the first Spaniard to ever win the award, but renounced the title six months later over discrepancies with the organisers.

    She began her career in cinema in that same decade and, after a number of roles on the silver screen, met her first husband, Patxi Andion, while filming ‘La otra alcoba’ in 1976. Her success continued in the 1980s with roles in films such as Pilar Miró’s ‘Hablamos esta noche’, and Carlos Saura’s ‘Mama Cumple Cien Años’.

    She also had a role in the 1984 film, ‘El Balcón Abierto’, a homage to the poet Federico García Lorca.

    Read more: http://www.typicallyspanish.com/news/publish/article_29399.shtml#ixzz1JgRZkvTx

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s