Sulat mula sa Pritil

Pritil_market

Sa pag-unawa sa nakaraan, hindi lang mga librong pangkasaysayan ang ating  sinasangguni. Kadalasan ay binabasa rin natin ang mga kathang panitikan na nagbibigay-tulong sa atin na mas “maramdaman” ang ating nakalipas. Katulad na lang ng kwentong “Sulat mula sa Pritil” ni Norma O. Miraflor na amin munang “hihiramin” at ilalathala rito.

Sinulat noong 1970, ang “Sulat mula sa Pritil” ay kwento ni Isagani, estudyante ng Torres High School at editor ng The Torch, ang opisyal na pahayagang pang-mag-aaral ng Torres, na, katulad natin at ni Miraflor mismo, ay lumaki at bumaybay sa kaibuturan ng Tundo. Bagamat kathang piksyonal, isinasabuhay ng kwento hindi lamang ang buhay-Tundo (o buhay-Pritil) kundi pati na rin ang maligalig na sitwasyon ng dekada.

Kamakailan ay inilathala rin namin ang “Sandosenang sapatos“, at ang “Sulat Mula sa Pritil” ay bahagi ng pagsisikap naming magbahagi ng mga kwentong sumasalamin sa kontekstong kinalakihan nating lahat. Abangan ang susunod pang mga kwento.

*****

Sulat mula sa Pritil
Sinulat ni Norma Miraflor

Ang akala yata ni Mrs. Iñigo’y ibig kong magpakwela. Gusto ko raw yatang magsilbing cartoon ng klase. Galit talaga. Gusto ko sanang sabihin, ba’t ba ‘ko magpapakwela nang libre? Kung pwede ba akong star, mabubulok ba ako sa klase niya? Hindi na. Gusto ko sanang sabihin, ba’t ba, kasalanan ko ba kung madaling bumili ng siste ang mga kaklase ko, ba’t hindi sila ang sibatin niya ng titig?

Sapak talaga iyong pagkatitig sa akin. Kung sibat lang iyon, wala, tapos na ‘ko. Iyon ang sagasa. Iyon ang metaphor na pinagmulan ng galit niya. Ang titig ni Mrs. Iñigo ay sibat. Metaphor, hindi ba? Parang ganoon ang ibinigay kong halimbawa nang tawagin niya ‘ko. Walang halong biro ang sagot ko. Sabi ko, ang bibig ng nanay ko’y isang gubat. Mali ba iyon? Tawanan naman ang mga kaklase ko. Ewan ko na tuloy kung bakit naasar si Mrs. Iñigo, kung dahil sa tawanan o dahil sa mali ako.

Ipaglalaban ko sana ang sagot ko kung sinabi niyang mali ako. Sasabihin ko sana: Alam mo, Ma’m, paggising ko sa umaga, umaandar na ang radyo namin, ‘yong radyong naglalakad at kumakain, tatak Nanay. Bumubusa na: lahat kami tamad, walang pakinabang, walng mararating, batugan, palamunin, patabaing baboy, buwisit kaming lahat. Ang daming anunsiyo ng nanay, iyon ang gusto kong sabihin, magulo, hindi mo maiintindihan. Di parang gubat iyon, iyon ang gusto kong sabihin.

Asar na ‘kong talaga. Kung maniniwala ako sa naririnig ko tuwing umaga, hindi na ako magpapagod ng kababasa ng isang katerbang assignment na itinatambak sa ‘min. Buwisit din lang at walang tutuluyan, magpapagod ka pa. Pero hindi ako naniniwala sa nanay ko. Wala lang pera iyon kaya ganoon. Kapag lumakas-lakas lang ang imprenta, pag di nag-iba ang tabas ng usapan. Saka galit pa siguro iyon dahil kay Dite Ched. Pambihira naman kasi talaga iyon. Sa dami-dami ng gulo sa mundo, isiningit pa ang pagtatanan. Tapos uuwi-uwi, iiyak-iyak. Nandoon, dalaga na naman. Sasama-sama sa PC, tapos hindi marunong maghabol. Nandoon, pasuka-suka. Doon lalong galit ang nanay ko.

“Asan ngayon ang mahal mo, nasaan?” Ang tinis ng boses ng nanay ko. Para ka talagang ibig utasin sa pagkabingi.

Iyak nang iyak lang ang Dite Ched. Nasaan nga kaya ang mahal niya? Gusto ko sanang sabihin, nandoon, Nay, nakikipagdama kay Raval, pero baka ako samain kaya hindi na lang ako sumali sa usapan. Tuloy na lang ang basa ko ng tulang inassign ni Miss Rivera. John Keats naman kami, ‘yon bang tisikong mahilig sa huni ng mga ibon at usapan tungkol sa kagandahan. Type na type ni Miss Rivera. Mamememorya na yata noon lahat ang nasabi ni Keats. Siyempre, bilib ang klase, ang husay ba namang humaplit ng Ingles, pa’no. Bilib din ako kaya lang natatawa ako minsan. Ano ba ang koneksiyon ng huni ng ibon sa kalam ng sikmura ko? Minsan kasi, kapag masyadong mainit ang ulo ng nanay ko, kapag palagay ko’y nagbabaga iyon, sumisibat na lang ako. Wala nang kape-kape. Basta ayokong mautas sa pagkabingi.

Di papasok nga akong said ang sikmura at mauupo sa isang sulok ng Torres. Doon pinapasok ng bubuyog ang isip ko. Katakut-takot na pagmamakata ang ginagawa nang isip ko. Halimbawa, nasasaisip ko, bakit sa loob ng klase, parang ang liit ng mundo, parang naroroon na ang lahat? Kapag nakinig ka sa mga titser mo, parang simpleng-simple lang ang buhay, nabobola ka tuloy. Minsan naiisip ko rin, bakit ni isa man sa mga titser ko, walang nagsasabi sa ‘min na balang-araw matutulad din kami sa mga tatay-tatay namin, mababaon kami sa utang at saka iyong mga babae sa klase, parang magiging nanay-nanay din ang mga iyon, magmumura rin silang lahat ng buwisit at peste. Wala. Sabi lang sila nang sabi na pantay-pantay tayong lahat sa mata ng batas. Okay pakinggan, ano? Tunay. Minsan gusto kong sumigaw. Bola ‘yan, gusto kong sabihin, bakit ang Kuya Nardo ko nanligaw lang, pinabugbog nang todo ni Ferming Tisoy. O, bakit walang nangyari sa demanda. Pantay ba ang Kuya Nardo ko sa anak ng konsehal, pantay ba? Bola ’yan.

Pero di nasuspend ako nang di oras. Magsu-suicide na ang nanay ko kapag nagkataon. Kaya shut up na lang, sabi ko sa sarili ko. Easy ka lang, boy, sabi ko sa sarili ko. Saka ka na lang magsalita kapag tapos ka na’t may hanapbuhay, may makikinig na sa iyo, pati nanay mo siguro, tingnan mo lang si Kuya Nardo, may intrega, pinakikinggan. Pero ngayon, shut up na lamang.

Di shut up na nga. Pinanonood ko na lang si Estela. Ang ganda ni Estela, ang tangos ng ilong. Panay ang recite, gusto yatang mag-salutatorian e. Panay ang taas ng kamay, ang puti. Kinain na yata ang lahat ng libro namin, parang kinanya nang lahat. Dibdiban talaga. Masyadong grade-conscious, sabik sa medalyang ido-donate ng mga konsehal. Pero ako, tuloy ang plano ko. Kapag sa graduation namin sa akin napunta ang laso o ang medalyang donasyon ng tatay ni Ferming Tisoy, thank you na lang. Hindi bale na, hindi naman ako nag-editor para sa medalya lang.

O, nasabi ko rin. Editor ako, hindi pa nga kumikita pero big-shot na rin. Kapag editor ka, maraming kahulugan iyan, ba. Puwedeng tama ang Ingles mo, plural kung plural, hindi paliku-likong tulad ng esterong dinadaanan namin papunta kina Abe. Ang baho ng esterong iyon, kasimbaho ng isip ni Temyong Alat, iyong pulis sa kanto namin na ipinaglihi sa tong. Walang patawad iyon, kung walang cash, kahit balot tinatanggap. Ang kapal talaga, mabaho pa sa estero. Kapag nagagawi iyon sa imprenta’t nagpapadagdag ng lagay, naiisip ko, sana hinagisan na nga namin nina Abe ng molotov cocktail noong nakikipagromansa iyon kay Nena Pangan.

Tunay iyong naisip ni Abe. Nag-aaral ba naman kami ng chess sa kanila nang bigla na lang pasukan ng gagamba ang kukote. Baba kami nina Nap. Ligid sa bahay nila. Sa entresuwelo nila inuupa ni Temyong Alat si Nena Pangan. Mrs. Pangan ang tawag naming sa kanya, yaon ang tawag sa kanya ng lahat. Di ligid kami, doon kami sa likod-bahay, doon sa isang tambak na bote’t garapa. Tapos, yumuko sa isang panig si Abe, may sinipat. Tumaas-taas ang balikat, tumingin sa amin, nagduling-dulingan. Bagong diskubre raw na mundo niya ito, tingnan daw namin.

Tsampiyon! Parang sineng objectionable in part for all. Limot ni Temyong Alat ang batuta niya. Parang negrong gutom, panay ang sisid. Parang torong pikon, panay ang sibasib. Si Nena Pangan pala, ang daming nunal, may pula pa. Tunay din. Ano ba, sabi ni Nap, ako naman.

Naalala ko noon ang Dite Ched ko. Hindi pa siya umuuwi noon. Ganoon din siguro siya, naisip ko, ano ba ang pag-iiba noon? Nagpanting na lang bigla ang tainga ko. “Sumpitin natin,” sabi ko, “hagisan ng bomba, patayin natin sa ligaya.”

“Tapos,” sabi ni Abe, “todas tayo sa MPD.”

Kaya ayun, patuloy ang ligaya ni Temyong Alat. Sa gabi, habang kinakabisa ko bawat tiktik ng butiki sa kisame, naalala ko sila ni Nena Pangan at siyempre naalala ko si Dite Ched at saka iyong PC na kumalas sa kanya. Galit na  galit pa rin ang nanay ko. Panay ang bigay ng katas na kulay tsa sa kapatid ko. Nagkangiwi-ngiwi ang pobre sa pag-inom. Pinainiksiyunan pa.

“Ano ba, Loleng,” pakli ng tatay ko, “kasalanan iyang ginagawa mong iyan, ba. Tingnan mo nga ang mukha ng anak mo, tingin ko’y halos patay na iyan, ba.”

Ang putla nga ni Dite Ched at ang hapis ng mukha. Kuhang-kuha ba ‘yong mga martir sa Tagalog movies.

Ninerbiyos siguro ang nanay ko. “Tumigil ka diyan,” singhal niya sa tatay ko. “Ang asikasuhin mo’y iyong impaktong imprenta mo.”

Impakto naming talaga ang imprentang iyon. Inutil. Tulad ng tingin ng nanay ko sa aming lahat, buwisit yata. Pulos utang ang kita. Pulos lista noong mga pipitsuging kandidatong natalo noong eleksiyon. Ibig ko na ngang magdimite kung minsan. Libre na nga ang pagka-messenger boy mo, sasabunin ka pa kapag hindi ka nakasingil. Putangna ko raw, siguro raw nagpapalamig-lamig ako sa paniningil. Sa’n ka naman. Kung pwede lang nga dagdagan ko pa iyong bayad ng mga iyon para tahimik ang buhay ko. Tuloy ang chess namin nina Abe. Baka pumuwede na ’ko kay Estela.

Basta ang ganda ni Estela, sikat pa sa klase, ang husay ng memorya.

“Para kang loro,” sabi kong minsan.

Inirapan ako. “Eh ano sa ‘yo?”

Kinabahan akong bigla. Kapag si Estela ang kausap ko, nagagago ‘ko. Ang puti kasi. Noong minsan, noong dumukwang siya sa pagkuha ng straw sa kantin, bigla ko ngang hinawakan sa kamay. Namula sa galit.

“Bastos ka talaga,” sabi sa ‘kin.Napahiya ako. Ang tingin niya siguro sa akin noon, parang tingin ko kay Temyong Alat.

“Ang ganda mo kasi pa’no,” usog ko.

“Wala kang pakialam do’n.”

“Gusto kong makialam,” pilit ko.

Nawalan siya sa sinabi kong iyon. Hinarap na lang ang coke niya.

Lumakas ang loob ko tuloy.

“Lahat ng issue ng Torch,” sabi ko, “para sa iyo.”

“Tama ka na diyan,” umirap uli si Estela, “sino ang lolokohin mo? Para yata sa buong Torres iyon.”

Ang liwanag ng umagang iyon, ang ganda raw. Ginanahan akong magtaas ng kamay sa klase. May nakikinig yata sa akin.

Sulatan natin, sabi ni Nap.

Card na lang, card, sabi ni Abe.

Saka na lang, sabi ko.

Hindi ba raw gusto ko? Kung gusto ko raw talaga bakit hindi ko trabahuhin, ba’t daw hindi ko kunin?

Saka na lang basta, sabi ko.

Kinantiyawan pa ako nina Nap. Ang hina ko raw. Sabi ni Abe siya na lang ang papasok, may kursunada rin daw siya.

Ang sakit noon, ba. Pero sige lang, sabi ko, kunin mo kung makukuha mo.

Pambihira ka naman, sabi ni Nap, ‘alang kagana-gana. Di ba dead ka? Gusto rin daw ako ni Estela, konting pagod lang daw, bagsak na iyon.

Pasukan mo na, sabi kong bigla, para matapos na ang kuwento.

Kapag nakuha ng iba si Estela, kahit sino, ang sakit talaga. Gusto ko naman talaga siya. Gusto ko naman siyang kunin pero hawa lang iyong tatay niya. Minsan lang akong tumatawag sa kanila, sinabihan kaagad ako na kung sinuman daw akong patay-gutom ay manahimik na lang ako sa kanto ko, huwag ko raw istorbohin ang anak niyang nag-aaral.

“Sikat ang tatay mong magsalita,” sabi ko kay Estela. “Ano ba ang katungkulan niya sa langit?”

“Mainit lang ang ulo no’n,” katwiran niya.

“Sikat talaga,” pakli kong muli. Ang hapdi pa rin ng loob ko. Patay-gutom: ang sakit noon, ba. Palibhasa mayroon lang kotseng karag, akala mo kung sino nang hari.

“Sabi ni Abe,” buntot ko, “kumusta ka raw, ang ganda raw ng batok mo.”

Nagalit sa akin si Estela. Ayaw na akong batiin. Naisip ko, mabuti na nga iyon, wala namang mangyayari roon.

Ang hirap kasi, hindi ko lang masabi kahit na kanino, hindi lang si Estela ang kuwento sa buhay ko. Kung siya lang ba, di ang dali, susulatan ko siya kahit araw-araw. Pero hindi, paano kung ang Kuya Nardo kong may trabaho na’t lahat ni hindi makapag-asawa sa kaiintrega sa nanay ko, ako pa? Ni hindi ako puwedeng kolektor, laging wala iyong sinisingil ko. Bibilib ba nang husto sa akin si Estela? Sino nga naman ang lolokohin ko? Hindi naman ako isip-PC, dampot tapos takas. Wala akong balak iganti nang ganoon ang Dite Ched ko. Kapag iginanti ko siya, ang PC niya mismo ang gusto kong bulagin. Ang labo noon pero ganoon dapat.

Kapag may nangyari sa Dite Ched ko, talagang gaganti ‘ko kahit ano ang mangyari.

Ang dami na yatang dugong nawala sa kapatid ko. Bumili na ang Kuya Nardo ko sa Red Cross para isalin sa kanya. Ang nanay ko, doon na sa ospital natutulog, hapis na rin, mukha na ring martir. Pakana niya yatang lahat iyon.

Kaya nga ako napasama sa demonstrasyon, wala kasi sa bahay ang nanay ko. Kung nandoon ba iyon, makakawala ako?

Nagkayayaan kami nina Nap. Sabi namin, sa Malakanyang naman kami pumunta, sawa na kami sa stage show ni Temyong Alat at ni Nena Pangan, nakakahirin na.

Para sa collegiates lang iyon, sabi ni Abe.

Gago, sabi ko, para sa lahat iyon, basta Pinoy kang may hilig sa bayan, puwede na.

May hilig ka ba? tarok sa akin. Basta halika na lang, sabi ko, manood na lang tayo, gusto kong makitakbo.

Para kasi akong sinisilaban. Naalala ko ang putla ni Dite Ched ko at ang nanay ko, iyak nang iyak. Mukhang aping-api sila roon sa San Lazaro.

Halika na, sabi ko.

Daig pa ang Bagong Taon, tsampiyon sa dami. May humahagikgik, may nagmumura, may tsismisan pa. Langya raw, isang katerba na raw ang batalyon sa loob ng Malakanyang. Para sa’n daw, tanong ng isa. Di para sa ‘tin, usal ng isa pa. Tarantado pala siya, hatol ng ikatlo, mga bata na niya ang nambugbog, may lakas pa siya ng loob mag-api-apihan. Ano ba ang laban natin do’n, susog ng isa pa, wala tayo ni sumpit.

Para kaming nagpapalamig nina Nap doon sa Mendiola, doon sa tapat ng Holy Mamaw. Di-sigarilyo pa si Abe. Hanapin daw namin si Temyong Alat.

Sandal kami sa pader, tingin sa palasyo. Nakapanhik na kami roon minsan, educational tour. Isang katerba ang paintings ng kara ni First Lady, lima yata, sikat lahat ng gumawa. Doon ako naasar noon. Para ba naman nakakaloko. Ako, binarena sa mura ng nanay ko dahil sa dalawang pisong hinihingi ko, tapos, ngingiti-ngiti itong mga paintings, may nakapayong pa. Ba’t ba, naisip ko, hindi ba siya magkasya na ipakopya na lang iyong kara niya, kailangan bang ilang beses pa? Iba-iba ang suot, pulos bongga, pulos displey.

Nakakaasar din talaga.

O, ano ngayon? Tanong ni Nap. Parang dramang sinagot kami. Bigla na lang nagkagulo, parang giyerang bigla. Katakut-takot na sigawan. Takbo kami sa may tulay, binabasa na kami, paano. Hawa lang, kung babasain ka sana, todo na, hindi iyong parang hinihikang gripo.

Ano ba ‘yan, sigaw ni Abe, parang ihi ng kabayo iyan, ano ba?

Doon sa tulay kami napasubo. Atras-abante ang labas. Iyong mga bata ni Commander-in-chief, laban sa amin. Di kami ang bayan, ano? Iyon ang nararamdaman namin basta, kami ang bayan, kaya kampi sa amin iyong mga nakatira sa paligid. Pagtakbo naming sa dilim, bumubukas ang mga pinto, ‘tinatago kami. Walang laban sa bayan ang mga hayop na iyan, sabi ng isang mamang nakasando na nagpatuloy sa amin minsan.

Takbo’t abante kami. Naroon na rin lang paano. Pero noong minsan, nahagip ng hampas si Nap, buti na lang nakatakbo. Noon kami sumali sa batuhan. Bato lang nang bato, walang tantan.

Lalo akong parang sinisilaban. Parang galit na galit ako basta. Kahit na ano, binabato ko.

Tama na, sigaw ni Abe, tena na, nakaamba ang mga halimaw.

Takbo na naman kami. Liko kami sa Legarda. May sinusunog sila roon. Takbo kami hanggang sa palengke ng Bustillos, pasok kami sa dilim.

Doon na kami natengga. Naghanap kami ng puwestong hindi okupado. Todo ang hingal namin. Napunta kami sa parteng malansa.

“Pero hindi bale na lang,” sabi ko, “pagod na pagod na ako.” Higa ako nang todo.

“Ang halimuyak,” bulalas ni Abe, “Kasimbango ni Imelda, Kasintapang ng pera ni Apo.”

May umingit sa banda roon. Kaboses pa yata ng nanay ko. Biglang-bigla kong naisip, baka patay na ang Dite Ched ko, baka naubusan na ng dugo.

Ang init-init ng mata ko. Ang lansa-lansa ng hinihigan ko at ang paligid, ang tapang din ng amoy.

“Ang bango ni Imelda,” ulit ni Abe.

Naalala ko ang pagbato ko. Ang lakas ko palang bumato. Iyong una kong tira, alam ko na, para iyon sa PC na bumola sa Ditse ko. Iyong isa, para kay Temyong Alat at saka iyong isa pa, para sa tatay ni Estela iyon. Iyong huli para kay Ferming Tisoy, bagay din bulagin at pulbusin ang isang iyon.

Kapag nahuli kami rito, alam ko na ang sasabihin ko. Pangalan ko lang ang ibibigay ko; sa ibang bagay tungkol sa buhay ko, labas na sila, wala silang maitutulong, ako na lang ang bahala roon.

Hindi ko mapintasan ang kalansahan ng paligid namin. Baka na lang may mambara sa akin, tanungin ako, bakit ba, sino ka ba? Walang lusot doon. Sino nga naman ako? Si Isagani lang yata ito, sanay na sanay ito sa halimuyak ng estero.

———–

*PC – Philippine Constabulary; MPD – Manila Police Department.

2 thoughts on “Sulat mula sa Pritil

  1. Arnold Mendez

    yung mga kwentong looban ni jun curz reyes bagay din sa tema ng inyong blog. mahirap lang ngang hanapin online. sana makapag-publish din kayo. salamat.

    The Site Team: Oo nga. Bayaan mo, Arnold, maghahanap kami. Salamat din sa pagbisita.

  2. Kristian

    Salamat sa pagbigay nang kopya na ito at mas mapaunawaan ko ang kasaysayan noong mga nakaraang dekada. Mahirap kasi hanapin ang mga lumang teksto tulad niyan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s