Pagpupugay kay Jimmy

Matagal-tagal din bago natapos ni Eddie Roberto ang tribyut na ito para sa aming kaklase at matalik na kaibigang si Jaime Borja. Kung napanood n’yo yung isang bidyong ginawa niya tungkol sa katatapos nating reunion, pansinin n’yong hindi n’ya isinama si Jimmy. Sabi ni Eddie, ihiniwalay raw niya talaga para ispesyal.

At talaga namang ispesyal na tao si Jimmy.

Di na namin matandaan ang eksaktong petsa, pero yung araw na kami’y magkita-kitang muli sa Daangbakal para dumalaw sa kanyang burol ay hindi na yata mabubura sa aming isipan. Dalawampung taon na rin ang lumipas nang biglang magpasya si Jimmy na mauna na sa byahe. Wala pa siyang 30 taon nang talunin siya ng mabigat na karamdaman.

Isa sa matatag na haligi ng grupo si Jimmy. Kumbaga, isa siya sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay magkakasama pa ang buong barkada.

Marami pa kaming sasabihin tungkol sa kaklase naming ito, kaya pakiabangan na lang habang tinitipon pa namin ang kalat-kalat na mga kwento.

6 thoughts on “Pagpupugay kay Jimmy

  1. Lito Parungo

    Ang natatandaan ko kay Jimmy ay yung marami naming kwentuhan sa kanyang mallit na kwarto sa kanilang bahay sa Daangbakal. Maliit lang ang lugar at kurtina nga lang ang pagitan sa katabing kwarto, pero doon namin napapag-usapan dati ang maraming isyu tungkol sa buhay-buhay.

    Seryoso rin kasing tao itong si Jimmy. Parang laging pasan ang daigdig. Sabagay, hindi mahirap intindihin yun dahil sa murang gulang ay naging breadwinner na agad. Parang siya nga yata ang naunang magtrabaho sa atin. Nasa kolehiyo pa lang siya noon sa PUP, pero nagtatrabaho na sa araw sa isang opisina sa Makati at sa gabi pumapasok sa iskwela. Kaya nang maka-graduate ng accounting, talagang malaking tagumpay para sa kanya yun at sa kanyang pamilya.

    At natatandaan ko, si Jimmy rin ang unang nakapag-abroad sa atin. Noong magtrabaho siya sa Saudi, dun medyo naputol ang kontak niya sa grupo. At kung pag-uusapan ang naputol, dito rin pinauso yung kwentong naputulan siya ng kamay sa Saudi. Kwento ito ni Eddie, na nung inaway raw si Jimmy ng among Arabo, biglang sinamurai ng huli ang kaliwang braso ni Jimmy. Di pa rin natakot, iniambang muli ng kaklase natin ang kanang kamay, na siya naman muling naputol. Ang ending ng kwento, napatakbo sa takot ang Arabo dahil nakuha pa ni Jimmy na maghamon ng suntukan.

    Naalala ko rin na naging masyadong relihiyoso noon si Jimmy. Natatandaan n’yo pa ba yung sa Angono, na bago kumain, kailangan magdadasal muna raw tayong lahat? As usual, si Jimmy ang namumuno. Pero minsan, taimtim siyang nananalangin, nakapikit, at pinasasalamatan ang Panginoon sa grasyang ating pagsasaluhan. Pero ang lapastangan niyang mga kamag-aral naman, isa-isa nang tumutusok ng galunggong na nakahain. Pagdilat niya, halos wala nang natira sa kanya.

    Masarap biruin si Jimmy, kasi laging sumasakay. Kaya yung linya niyang “So you’re making me a toy?” ay talagang di na malilimutan ng grupo.

    Sayang talaga si Jimmy. Tayo, nawalan ng isang mabuting kaibigan, at ganun din ang mga kamag-anak niyang malaki ang pasalamat sa tulong na kanyang nagawa. At tiyak malaking kawalan din sa asawa niya at sa kaisa-isa niyang anak na isang taon pa lang yata noong siya ay pumanaw.

    Dalawampung taon na nga ang lumipas mula noong mawala siya. Pero napupuna n’yo ba na tuwing napapag-usapan siya ng grupo, parang nandyan lang siya sa tabi-tabi at kasa-kasama pa rin natin?

    Ganun nga talaga siguro pag marami kang kabutihang nagawa …

  2. Eddie Roberto

    Ang isa sa nakakatuwang eksena ng barkada na kasama si Jaime ay noong magprisinta sya na magluluto ng ulam para sa tanghalian – ito ay nung panahong nagbabakasyon ang barkada sa Angono. Dahil sa may tiwala naman ang lahat na may kakayahan ni Jaime sa pagluluto ay hinayaan namin siya na magluto…at ang sinabi nyang lulutuin ay yung pinagmamalaki nyang…PAKBET.

    Tinulungan namin sya sa paghahanda ng mga rekado pero nung niluluto na nya ay lumayo na kami at pinabayaan na namin syang dumiskarte. Pagkatapos ng maikling sandali, kasabay ng pagkalam ng mga sikmura namin dahil sa gutom, ay tinawag na kami ni Jaime para pagsaluhan ang inihanda nyang specialty.

    Una-unahan sa pagpunta sa hapag kainan ang lahat at sabik na sabik nang matikman ang “pakbet espesyales” ni Jaime…nang sa unang subo ng lahat ay may napansin kami na kakaibang lasa ng pakbet. Medyo wala munang kumibo sa umpisa pero ang katahimikan ay binasag ng pang-aalaska ni Eric sa pamamagitan ng isang tanong kay Jaime na…”Pare, ano ba talaga itong niluto mo, pakbet ba ito o…BULANLANG?” Tawanan ang lahat habang makikita sa mukha ni Jaime ang sama ang loob dahil tila hindi nagustuhan ng barkada ang niluto nyang BULANLANG, este PAKBET pala.

    Pero bagama’t hindi nasarapan ang lahat sa pananghaliang pinagsasaluhan namin noon ay walang tigil naman ang tawanan ng bawa’t isa (maliban kay Jaime) at sabay sa bawa’t subo ng pagkain ay naroon ang panlalait sa kinakain naming BULANLANG, este PAKBET. Patunay dito ay ang kunwaring pagduduwal ng bawa’t isa, na para bagang gustong sumuka sa lamesa, habang nginunguya ang kanin na may kasamang PAKBET.

    Hindi dito natapos ang alaskahan dahil hindi pa natatapos kumain ang barkada ay tumayo na si Ariel at nagpunta na sa lababo, na ilang hakbang lang ang layo sa kinakainan namin, at sukat doon ay umariba na ng pagsesepilyo ng ngipin habang isinisigaw ang mga katagang…”Gwark! PWE!, PWE! PWE!”, bilang tugon sa kanyang marubdob na pagtutol sa lasa ng ulam na niluto ni Jaime.

    Walang puknat na tawanan at pang-aalaska kay Jaime ang naganap sa gitna ng katanghaliang tapat noon sa Angono at naging pulutan pa ng barkada ang eksenang yun sa inumang naganap kinagabihan. Walang kasing-saya ang eksenang at masasabi ko na yun ang isa sa pinakamasayang sandaling naranasan ko sa barkada na kasama si Jaime.

  3. Jamielyn Borja

    maraming salamat po sa ginawa ninyo para sa papa ko. alam ko po kahit wala na siya rito ay natutuwa siyang makita na magkakasama at ayos po kayong magkakaibigan. maraming salamat po.

    The Site Team: Mahal na Jamielyn, nakakatuwa namang makarinig mula sa ‘yo. Tulad nga ng sabi namin dito, baby ka pa lang noong una at huli ka naming makita. Makikibalita pa kami sa ‘yo ha? Ipaabot mo na rin ang aming mainit na pangungumusta sa mama mo. Sabihin mo mula sa iyong mga tita at tito. At sana rin ay lagi kayong dumalaw dito, dahil bahagi rin naman kayo ng “pamilyang” ito. Ingat parati.

  4. Eddie Roberto

    Hi Jamielyn! Salamat sa mensahe mo at natutuwa ako na hindi man namin natanggap mula kay Jimmy ang appreciation para sa tribute na ito ay ikaw naman na anak nya ang naghatid ng mensahe ng pasasalamat para sa amin na mga kaibigan nya. Karapat-dapat lamang na tumanggap ang papa mo ng ganitong pagkilala dahil sa mga bagay na nagawa nya para sa ikatatatag ng aming samahan…ang IV-1 Peps.

    Sa pangalan ng lahat ng bumubuo ng aming samahan, nais kong ipahatid din sa inyo ng mama mo ang aming taos pusong pasasalamat sa mensaheng iniambag ninyo sa website na ito at makaaasa kayo na sa bawa’t pagkikita ng mga miyembro ng aming grupo, ay naroon palagi ang aming paggunita kay Jimmy at lagi naming kaakibat ang kanyang masasayang alaala na hindi kailanman kukupasan ng panahon.

    Pagpalain kayo ng Poong Maykapal.

  5. Larry Ramos

    Dear all,

    I feel deeply sorry for not being able to regularly visit our blog. I really did miss a lot, specially this tribute to Jim. I terribly miss this guy and I am glad her daughter Jamielyn has managed to find and access our site. Welcome, Jamie. Your father was indeed a true friend.

    Kindly give my regards to your Mom. I do not know if she still remembers that painful day in Makati Med when I visited Jim and was terribly mad why this young man would get sick like that. I really cried and even today while I am trying to compose this, hindi maiwasan na maiyak.

    Jim was a real friend no matter how hard our jokes were on him. Seryoso kahit sa panahon ng tawanan, mapagbigay kahit wala siya basta para sa kaibigan niya. He matured ahead of us and I took that from him. The happy moments we shared sa Pritil habang nagsasabihan ng love problem namin ay hindi ko makakalimutan.

    See you in heaven if He will decide that i should be there, too. Otherwise mag-email na lang tayo baka high-tech na rin dun sa baba a tmay computer na fireproof.

  6. Eric Macatangay

    hi jamielyn. thanks sa comment mo. nabigla rin ako, di akalain na ikaw pala anak ni jim. jamielyn borja, akala ko nung una jaime borja jr.

    regards to your mom. i think she still knows me kasi ako ang kapitbahay nya sa riles at very close din kami ng papa mo.

    alam mo ba nakaka-touch at nakakaiyak talaga nung dumalaw kami sa makati med with the peps. lahat di makapaniwala na mangyayari sa papa mo yun. isa siyang true friend and a good father. mula nang makilala ko papa mo hanggang mamatay siya, di talaga nagbago ang ugali nya. he was a joker, an adviser, a lover, at manginginom din like us (pero nasa lugar). yan ang di ko makalimutan sa kanya.

    i also remember we were always in his house with the group eddie, lito larry keith mariro, ruby, etc.

    send ka naman ng pictures nyo ni mama nyo para naman makita lahat ng peps ang family ni jim.

    god bless and take care.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s