May tutula, makatang-makata …

May iba-ibang paraan ang tao ng pagpapakita ng kanyang kaligayahan. Unang-una na rito ang pagtawa, syempre. Pwede rin namang umiyak dahil may luha rin naman ng kaligayahan.

Si June Lapira ay maligaya dahil makikita niya tayong muli. Siguro napatawa o napaiyak din siya nang makita ang mga litrato nating sabi nga ni John Marcella ay naggagandahan. Pero ang June napatula rin, at ang tulang ito ang inyong mababasa ngayon.

Sabi ni June: “Orihinal ito at ngayon ko lang nilikha dito sa aking table sa opisina.” Pahabol niya: Mabuhay ang IV-1, Batch 78!”

Dating guro sa Filipino si June, napilitang tumigil nang magkaproblema sa boses, kaya siguro hinahanap-hanap ang pagtula at dito nagsasanay muli. Basahin nyo na lang at para sa ating lahat daw ito.

Nagbabalik ang lumipas

Puso’y nagagalak, diwa ko’y nagsasaya;
‘Pagkat nalaman kong ka-batch ko’y makikita,
Matagal na ring panahong di sila nasisilayan;
Kaya sa puso ko’y naroon ang agam-agam.

Kumusta na kaya sila, tumaba kaya o payat na?
Ano na kaya ang kanilang hitsura,
Mga ka-batch ko nung nasa haiskul pa?
Ito ang mga tanong sa isip ko tuwina.

Sana naman sa raw na iyon sila’y naroroon,
Upang katugunan sa aking mga tanong
Magkaroon ng kasagutan sa tagal ng panahon,
Na aking hinintay ang tamang pagkakataon.

Ang aming batch ay four one ng Lakan Dula High School,
Taong 1978 nang kami’y magtapos sa haiskul;
Masisigla ang lahat, aking mga ka-batch,
At naghiwa-hiwalay na kami ng landas.

Paglipas ng may tatlumpung taon
Heto at kami’y magkaka-reunion
Sa aking mga ka-BATCH na makakatunghay
Pati na si Eric apelyido’y Macatangay

Dakila ang araw na tayo’y lumisan
Sa ating mahal na paaralan
Sapagkat pumaimbulog sa mundong tanan
Ang magigiting at ginintuang kaisipan
Nitong batch ’78 ng fourth year section one.

19 thoughts on “May tutula, makatang-makata …

  1. Lito Parungo

    Nakakatuwa naman ang iyong pagtula
    Pati tuloy ako heto’t napagaya
    Biglang naalala Florante at Laura
    Noong tayong lahat sa Lakan Dula pa

    Masaya rin kami sa ‘ting pagkikita
    Sabik kang mayakap, muling makasama
    Kaya ngayon pa lang kwento mo’y ihanda
    Dahil ilang dekada ring ika’y nawala

    Sabi ko nga sa ‘yo wag nang hihiwalay
    ‘Pagkat kaming lahat muling malulumbay
    Kung sakali mang ikaw pala’y pasaway
    ‘Wag mag-alala’t uuwi kang lupaypay

    Bow!

  2. Remy Tuazon-Martin

    Sagutan n’yo rito ay nakakatuwa
    Pagbasa sa tulang makatang-makata
    Kaming lahat dito ay napapatula
    Maraming salamat, June, sa alay mong tula
    Di pa man nagkikita’y napaligaya ka na
    Sa darating na Huwebes ‘wag kang mawawala
    Kaligayaha’y lubos ‘pag si John ang nakasalamuha

  3. Eric Macatangay

    Alam mo, June, di ka nagbabago at talagang dugong Pinoy ka pa rin. Kami nga nahahaluan na ng dugong Arabo (Edu, Ariel, Budz, Ronnie). Dugong Ingles (Reny) at Dutch (Lito) at ang mga kaklase nating nasa Amerika at Canada. Pati sa tula nasabit pangalan ko. Di ko makalimutan yung nalasing ka sa Angono. Sosyal, sa ref mo pa gustong jumingle!

  4. Eddie Roberto

    “Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
    kaliluha’y s’yang nangyayaring hari.
    Kagalinga’t bait ay nalulugami,
    dininig sa hukay ng dusa’t pighati.”

    “At kung sa muling pagtatama ng ating mga mata,
    ay may makita kang mga nalalaglag na muta.
    Wag kang malulungkot kaibigang June,
    Sapagka’t ang papawi nyan ay si John Marcella.”

    Sandali lang, para tayong nasa balagtasan huh! Ay naku, sigurado na namang riot ito sa tawanan kapag nagkita-kita uli tayo. Miss ko na kayo, guys at natutuwa ako at sumuko na rin si June at Ariel.

    Pareng June, magkita tayo pagdating ko…dating ako sa Pinas ng Sept. 10.

    Paano ba ito, Eric? Rarampa na naman ang IV-1 Peps at lugi ka na naman!

  5. Keith dela Cruz

    Pawang makakata aking mga kababata
    Lubusang natuwa sa inyong mga tula
    Sisimulan ba nating mag usap nang patalinhanga
    Simula nang si June, tayo’y pinahanga!

    Aking mga mahal na kakuwentuhan
    Huwag kalimutan ating tagpuan
    Sa loob daw ng MOA kung saan may Starbucks
    Alas singko’y medya, tayong lahat ay sasabak

    Hoy mga kaklaseng Eddie at Eric
    Kelan ba talaga kayo makababalik
    Kaya ba nyo na kami’y saluhan
    Sa araw ng Huwebes huwag kalilimutan

    …. ano ba kayo? Pati ako napatula sa inyo. O siya kita- kits sa Sept. 11, Thursday at MOA. Ariel and June, welcome!🙂

  6. Keith dela Cruz

    Grabe June ha, talagang na-miss mo ang IV-1 at dali-daling nakagawa ka ng tula. Inaasahan namin na makikita ka namin sa Thursday. Doon na lang natin ituloy ang balagtasan. Sigurado lalaban si Eddie sa iyo. At si George di rin pahuhuli iyon🙂 See you!

  7. John Marte Marcella

    ako’y natuwa sa mga tulang ginawa
    nautot nang labis dahil sa kakatawa
    subalit di ko tiyak kung makakasama
    hiling ko lang sana’y wag n’yong isumpa
    ang reyna ng dagat na laging rumarampa
    si juana maria de kalidad de fruta
    de formalin ng mga punerarya

    (Remy, wala dial tone ang phone namin. Text mo ako pag may time ka, ok. Miss you all. MOA Starbucks ba?)

  8. June Lapira

    Mga PEPS,

    Hahahaha! Alam nyo ako’y tawa nang tawa dito sa harap ng aking computer. Likas talagang ang batch nating four one ay matatalino. Aba’y tingnan mo nga naman, pasakalye ko lang pala ang kailangan at magkakaroon pa yata ng balagtasan sa buwan ng Setyembre? Ang Buwan ng Wika ay Agosto pero sa four one peps ko’y may extension hanggang Setyembre ano? Hahaha! Mabuhay kayo mga kamag-aral ko! Saang lupalop man ng mundo ay maririnig ang halakhakan natin sa Setyembre 11 dun sa MOA.

    Ariel, ‘wag kang mawawala ha? Keith, impressive ang tula mo. Di kaya pinagmamasdan ka ng mga ginagamot mong mga aso at pusa diyan sa iyong clinic? Nakakatuwa naman kayong mga ka-batch ko. Kaya lalo akong nasasabik na makita ko kayong lahat. Mabuhay kayo mga ka-peps ko!!!

    June

  9. Malu Ortiz

    ako’y umuwi para magpahinga
    tumuloy sa kusina, kumain ng hopya
    biglang nagulat tiyahin ko’y sumigaw
    carlito parungo biglang natawag daw
    tumingin sa oras para kaklase’y makausap
    pero baka kaibiga’y naghihilik, nasa alapaap
    nagbakasakaling may mensahe dumalaw sa blog
    kamag-aral nakita dalawa ang nadagdag
    ako’y natuwa at biglang naloka
    stress ko’y nawala di kapani-paniwala
    obra ni john marcella akin ding nabasa
    limot mo ang mundo pag siya’y tumula

    june lapira at ariel dimacali, salamat kayo’y nakita

    Ano ba yan, nakakatuwa kayo. June, aalala mo pa ba si Rey Fortaliza? Di ba palagi nating niloloko ‘yon, pati na si Jaime?

    Hintayin ko na lang ang picture nyo. Bilib talaga ako sa inyong lahat, ang tatalino nyo. Nakakabaliw kayo….Hahahaha…..

  10. June Lapira

    Paki-send naman sa akin ang e-mail adress ni Salvador Ignacio aka Budz. Or mobile number o kaya landline. Nakaklase ko rin siya sa PLM at pareho kaming officer sa ROTC. Sabay kami nag COCC ni Buddy.

    The Site Team: Wala pa rin kaming contact info niya. We’ll let you know as soon as makabalita kami.

  11. Eric Macatangay

    Katuwa naman muli nyong pagkikita
    Ako tuloy dito sa inggit balisa
    Huwag kakalimutan ang inyong mga video
    Para may mapanood naman kami dito
    Inuman, tsismisan at tawanan na naman
    Maraming kamag-aral tiyak kakabagan
    Ariel, June at Ronnie tiyak na sabik
    kaya maaasahang sila’y babalik

    Basta mga peps wag nyo ko kalimutan sa tagay ha? Keith, Edu, alam ko kayo matitibay sa alak. Pakibantayan na lang si June. Baka kung saan-saan na naman jumingle. Sana nandyan si Larry para may kabo. I miss you all, lalo na sina Remy, Ruby, Jo, George and Zen. Si Didi and Gil di ko man lang nakita nung andyan ako. Ingat kayo lahat. Good luck sa lakad and God bless.

  12. Lito Parungo

    Tumawag sa akin si Mario. Pinapatanong kung ano raw ba ang nangyayari sa mga mahal niyang kamag-aral at biglang nagtutulaan. Si Malu naman daw, pinapagalitan na ng asawa niya dahil tumatawang mag-isa.

  13. Rebecca Pabustan-Adraneda

    Nakakatuwa inyong mga sagutan
    Di ko akalain mga IV-1 peps may tililing
    Di naman siguro kayo lasing o mga praning
    Sa iyo June, galing sa iyong mga kaklase sa PLM
    Sana kami’y natatandaan pa rin
    Mula kay Sylvia, Cathy at sa akin
    Kamusta ka na kaibigan namin

  14. Keith dela Cruz

    Bwahahahaha!!!! Hoy mga IV-1 peps, umayos kayo! Tigilan nyo na ang balagtasan! Wag nyong kalimutan na di lang tayo nakakabasa nito! Nabubuko tuloy na may mga tililing tayo! …Basilio….Crispin….Ba-ba-ba-silio….Cri-cri-cri-crispin…..

    The Site Team:
    Hoy, Keith, yung nagsabing may tililing tayo (si Becca), tumula rin! Nahawa? Si June ang maysala ng lahat ng ito.

  15. June Lapira

    Hello,

    Rebecca, Cathy at Sylvia,

    Mabuti at nabasa nyo ang aking tula dito sa website. Kumusta na kayo? Sana mapadalas ang inyong e-mail at magkakwentuhan naman tayo kung ano na ang mga kaganapan sa ating buhay.

    Si Sylvia natatandaan ko pa nung PLM days. Siya yung charming at crush ko pa nga iyan eh. Si Cathy ay medyo hindi ko na matandaan pero hindi naman ibig sabihin ay nakalimutan na.

    Sige, regards sa inyo and GOD BLESS na rin!

  16. Ruby Gaviola-Guevarra

    Mga may tililing, laging sama-sama, kaya hayan lalong lumalakas at maraming nahahawa. Pero bakit ikaw, Keith, ang humahanap kay Crispin at Basilio? Di ba ako si Sisa? Hahaha!

  17. Rebecca Pabustan-Adraneda

    Syempre, sino ba naman ang makakaintindi sa may tililing, eh di yung mas masahol pa? Hahahaha! Eto lang ang libangan ko dito, yung mabasa what’s the latest.

    Well, June, magkakasama kaming tatlo sa Asian Bank, bago ako nagpunta sa Chicago. I remember yung mga love letters mo kay Sylvia, mga malalalim na tagalog. Si Sylvia sa Robinson’s Bank na nagtatrabaho, si Cathy di ko alam name ng company niya. Umuwi kami last year with my kids and my husband Amado. Baka makauwi uli ako next year. Pwede bang maki-join sa IV-1 peps pag-uwi ko? Masarap sanang makipagtsisimisan kay Remy, di ko lang siya matyempuhan sa bahay. Next time uli.

  18. June Lapira

    Hay naku grabe!!!

    Grabe na ang “Web Fever” ng ldhs78, ang lakas makahawa talaga. Kita nyo na mga ka-PEPs. Ang dali makahagilap ng kabatch sa website, o di ba Lito? Kaya ako talagang todo-todo ang pasasalamat sa kaklase kong yan. Kita mo pati si Becca at si Sylvia na maganda at charming na schoolmate ko sa PLM ay nakayag sa web natin. Salamat at salamat sa ‘yo Lito. Mabuhay ang mga LAKANDULENIANS at PLMeyer!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s