Usapang lasing

The Site Team Dado, Lito, Keith, Larry, George, Eric and Didi celebrating Keith’s birthday in May 2005 at Pier One, The Fort. Click here to see more photos.

Ang pag-inom ay para ring isang rite of passage na dinaanan ng mga IV-1 boys pagkagradweyt sa high school.  Bagamat madalas sumama ang ilang IV-1 girls sa mga inumang ito, iyon ay para lang makihalo sa masayang kwentuhan at makiagaw sa masarap na pulutan.

Hindi namin nirerekomenda ang pag-inom. Nagkataon lang na naganap ang maraming masasayang sandali ng mga peps sa kanilang mga drinking sessions noon. At ang mga happy moments na iyon (saka na siguro ang madadramang sandali) ang babalikan namin sa artikulong ito. Tinitipon namin ang mga kwentong ito para maibahagi na rin sa mga IV-1 girls ang “kalokohan” ng kanilang mga kaklase. Dadagdagan ang mga kwentong ito kapag may naalala pa.

1. Birthday noon ni Keith at ginabi ang ilang peps sa pakikipag-inuman sa tatay, mga kapatid at bisita ng celebrant. Hatinggabi na nang matapos ang tagayan at magpasyang maghiwa-hiwalay. Si Lito, na kapitbahay lang ni Keith, ay kahihiga pa lamang nang may marining na nag-aanasan sa labas ng bahay. “Lito? Lito?” Aba ang mga “Kalookan Boys” pala. Dahil kinakabahan nang lumabas ng looban ay nagkaisang makitulog. Sa isang maliit na kwarto sa itaas ay kasama ni Lito ang kanyang lola, na tinatawag ding Apo ng mga peps. Ang nangyari, nakitabi na lang si Lito kay Apo at ang mga bisita ay nagsiksikan na lamang sa sahig. Balot na ng katahimikan ang paligid nang bigla itong punitin ni Dado, na nagsabing: “Lito, pwede bang ako na lang tumabi kay Apo?” Tawanan ang nangyari, pero dahil madaling-araw na, lahat ay nagpipigil. Pero dinig na dinig pa rin ang mga impit na tawa. S’yempre pa, nagising si Apo at nagtanong, sa Kapampangan, kung ano raw ba ang nangyayari. Lalo lamang nagpatuloy ang tawanan.

Tagayan2. Kina Lito rin ay madalas mag-inuman ang barkada. Minsan ay doon uli sila inabutan ng hatinggabi at nagpasyang muling makitulog (sa sala at hindi na sa tabi ni Apo). Sa ganitong mga pagkakataon napapalakas ng inom ang mga peps dahil hindi nag-aalalang uuwi nang lasing. Ang problema, di naman kaya at isinusuka rin pagkatapos. Nang pinatay na ang ilaw para matulog, aba’y isa-isa ba namang bumibigay at hindi magkandaugaga si Lito na may hawak nang palanggana para itapat sa mga nasusukang kamag-aral. Pinakamalakas ang tama ni Buddy noon kaya paggising niya ay batya na ang nakatabi sa kanya. Kinabukasan, hinilamusan sila ng sermon ng ermat ni Lito habang sama-sama nilang nilalampaso ang salang tila dinaanan ng bagyo.

3. Sa Angono rin ay marami ring nalasing nang todo. Pinakamabilis tamaan noon si June Lapira: nang minsang malasing ay binuksan ang refrigerator at umamba ba namang iihi. Nawala ang lasing ni Eddie (ref nila yun ‘no?) at nilundag agad ang June at inakay sa CR.

4. Si Didi rin ay bumigay na rin sa Angono. Sa dulo ng kama siya nakahiga noon nang bigla na lang magduduwal. Nawalang bigla ang kalasingan niya nang mapagtantong nakahilera ang mga kaklaseng natutulog sa sahig. Ginising ang katabing si Lito at nagpatulong na hilamusan ang mga di-man-lang-nagising na mga lasing.

5. Tulad ng nabanggit ang IV-1 girls ay hindi namin nakakasamang uminom dati. Pero minsang nagawi kami (Keith, Lito, Dado, Eric at Malu) sa Masantol, Pampanga, sumabay sa inuman ang Marilu Ortiz. Na-pressure yata dahil malalakas bumanat ng gin ang mga kababaihang kainuman namin doon. Lumipas ang mga oras at maya-maya’y bumigay na rin. Sumuka at nagtalbugan sa kawayang sahig ang mga kornik na hindi na pala niya nakuhang nguyain dahil sa tama ng inumin.

6. Kina Eddie naman minsan. Tanduay ang binabanatan noon. Sa lamesa ay may bote ng patis na siyang naitagay ng tanggero. Si Eddie ang nakatoka sa tagay at isipin n’yo na lang ang reaksyon niya nang mainom ang super-alat na “alak”. Nakakawala ng lasing …

7. At mawawala ba ang session sa bahay nina Larry sa Pritil? Kakaiba ang gabing ito dahil may baon si Keith na film projector (high-tech, di ba?) para magpalabas ng isang kakaibang “pampainit”. Natapos ang inuman at ang makatindig-balahibong pelikula pero kahit lasing na sa lambanog ay nagpumilit pa ring umuwi ang Keith. Dahil siguro martial law pa noon kaya’t natyempo sila sa checkpoint ng pulis sa Juan Luna. Nakita ang bitbit na “contraband” ni Keith at dinala siya sa presinto. Dahil may pulis ding tiyuhin, agad namang nakalaya ang ating kawawang kamag-aral. Di na muling naulit iyon dahil nagkaroon na sina Keith ng betamax player, na naging paborito rin ng barkada. (Naalala n’yong bigla si Vivian Velez, ‘no?)

8. Si George naman at si Lito minsan, nagkayayaang mag-inuman sa Malate. May nakatakdang eleksyon noon kinabukasan kaya’t pagtuntong ng alas dose ng hatinggabi ay hindi na pwedeng mag-serve ng beer. Hindi rin naman talaga umiinom si George kaya OK lang sa kanya na ituloy pa ang kwentuhan. Maya-maya pa’y biglang may police check para nga tignan kung may lumalabag sa liquor ban. Paglapit sa table ng dalawang peps, nakitang may natitira pang beer sa baso ni George. Aba’t inaresto ba naman siya at isinakay sa police van! Nataranta ang Lito sa paghahanap sa kanya, nagtanung-tanong sa mga usiserong nakatipon na sa kalye. Malamang ay sa Presinto 5 daw dinala ang mga naaresto. Totoo nga. Pagdating sa presinto ay halos mapaluhod ang Lito sa kalunus-lunos na itsura ng kanyang mahal na kamag-aral, ang balediktoryan ng kanilang klase, nakakulong at mahigpit na nakakapit sa mga rehas na bakal. Takot na takot na pala siya dahil kinikikilan ng isang detenido para sa bibinyagang anak. Mariin ang pagtanggi ni George nang marinig ang mungkahing tawagan ang pulis ding tatay. Pinalaya lamang siya matapos bayaran ni Lito ang pyansa. Dala marahil ng nagsasalimbayang emosyon kaya napaupo sa isang nadaanang bench ang bagong-laya. Unti-unti na ring sumisikat ang araw, hudyat ng isang bagong umaga …

At para maibsan ang sakit na maaaring ibunga ng pagbabaliktanaw natin sa kabanatang iyon ng buhay ni George (at pati na ni Keith), inaalay namin sa kanila ang isang music video. Bida rito ang mga bilanggo ng Cebu Provincial Jail, sa kanilang pagsayaw sa “Rico Mambo”, isang kantang sikat na sikat noong maganap ang mapait na karanasan ni George.

[Photo credit: flickr.com]

9 thoughts on “Usapang lasing

  1. JB Morales

    Ang saya naman ng klase ninyo. Ibang klase. Sana kami rin may ganito. Iba talaga high school. After reading this, naalala ko bigla mga classmates ko. At mga masasaya naming inuman. Congrats sa inyo. Tuloy ang tagay, mga pare.

  2. Remy Tuazon-Martin

    This is shocking! Grabe pala kayo noon. Ngayon ko lang nalaman ang masalimuot na buhay ninyo noon. Nagkaganoon pala kayo. Wala akong kamalay-malay sa mga iniidolo ko. Akala ko di makabasag-pinggan, yun pala… Anyway, that’s life and ang saya-saya di ba lalo na at nagbabaliktanaw tayo sa nakaraan.

  3. Eric Macatangay

    JB, thanks sa pagbisista sa site namin.

    ‘Lam mo kulang pa nga yan. Di pa sinama d’yan yung pakikipagtalo sa amin ng lolo ni Eddie kapag nagagawi kami nina Jimmy sa bahay nina Eddie sa Juan Luna. Kapag alam na may inuman, lalapit na si Lolo at hahamunin na kami sa debate.

    Hindi pa rin diyan naisama si “Boyet Orca” na na-in love kay Pareng Larry. Hehehe. Joke lang. ‘Yun ang mga gabi ng inuman ng tropa kina Didi at Mel sa Libis, Kalookan.

    Masaya talaga kapag naaalala ang mga katotoyan at buhay-binata that time.

  4. Lito Parungo

    Hindi rin dapat malimutan ang mga inuman sessions sa bahay nina Mario sa Fullon. For me, marami sa mga inumang ito ang masasabing pinakaproduktibong tagayan ng mga peps. Kasi noong mga panahong iyon, bandang huling bahagi na ng dekada ’80, marami na tayong mga seryosong pinag-uusapan tungkol sa buhay. Masaya rin kasi nakakahalubilo na natin ang mga batchmates na doon din nakatira sa G. Perfecto at kalapit na lugar, tulad nina Bernie, Victoriano, Christopher, Jorge, at marami pang iba.

    Sa isang banda, panahon na rin iyon ng unti-unting paghihiwalay. Marami na rin kasing nag-aabroad, samantalang ang iba’y buhay-may-pamilya na ang inaatupag. Bigla kong naalala rin na noong araw mismo ng pag-alis ko ng ‘Pinas noong 1991, dumaan pa ako kina Mario para bumili ng sinturon, na siya niyang itinayong negosyo noon. Nasa US na siya kaya ang erpat na lang niya’t mga kapatid ang nag-istima sa akin. Touched ako nang regaluhan na lang nila ako ng sinturon (dalawa pa!) bilang pabaon.

    Naisip ko nga tuloy ngayon, ang madalas na pagsasama siguro sa nakaraan ang dahilan kung bakit naging close nang husto ang mga IV-1 boys. Kasi nga, nakapag-bonding talaga. May mga tampuhan mang nangyari, agad namang naaayos.

    Kaya may suggestion ako sa mga IV-1v girls. ‘Pag nakakita kayo ng pagkakataon, have a girls’ night out. At ginagarantiya ko sa inyo, you will enjoy it.

  5. Arnel Batungbakal (IV-4)

    Akala ko aral lang ng aral ang mga IV-1, karamihan pala sa inyo ay lasenggo. Bakit hindi ko nabalitaan ang mga inuman ninyo pagkatapos ng high school samantalang nasa Tayuman lang ako? Ang dami ko palang na-miss.

  6. Lito Parungo

    Napansin ko lang na ang mga inuman natin noong college days ay ginagawa sa mga bahay-bahay natin. Ang natatandaan ko lang na lumabas ang tropa ay yung minsang nag-disco tayo sa rooftop ng isang building sa Avenida, malapit sa SM (di ko na maalala pangalan ng lugar). Magkakasama sa night out na ito sina George, Jaime, Eddie, Eric and even Orly Castro (IV-2), na minsan-minsan noong sumusulpot sa Tundo para makipagkulitan.

    Understandable na ganoon ang kalakaran dahil wala pa tayong mga pera noon. Kadalasan, patak-patak lang ang lahat para may ipambili ng matotoma.

    At kung simpleng buhay ang pag-uusapan, may tatalo pa ba sa riles bilang venue ng inuman. Madalas bumangka dito si Vic Aguila (IV-2). Kapag nakita nang dumaraan ang mga peps, di pwedeng lalampas ang mga ito na hindi tumatagay. Di rin nakakalasing ang mga sessions na ito. Salamat sa tren na maya-maya ay dumadaan para i-disperse ang mga nag-iinuman.

  7. JB Morales

    Salamat po sa tagay. Hehe! I am not a member of your class pero nakaka-identify ako. Dahil siguro pamilyar din ako sa dekada ’70 at product din ako ng public school. Sana makita ninyo lahat mga nawawala pa. Good luck sa reunion. Na-inspire nga ako hanapin mga classmates ko dahil sa kasiyahan ninyo dito.

  8. Dondon Reyes

    Matanong lang po. Ano na po ba itsura ng Daangbakal ngayon? Nabanggit po kasi sa artikulo. Matagal na kong di nakabalik doon at nabalitaan ko recently na dinemolis na raw mga bahay. Sayang ang magagandang alaala sa lugar na yun.

    The Site Team:
    Hi Dondon, bayaan mo ‘pag may nautusan kaming kumuha ng mga larawan ipo-post namin dito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s