Angono days

Map of AngonoKung may susulat man ng kasaysayan ng IV-1 peps, siguradong hindi mawawala ang Angono sa kwento. Pagkatapos ng graduation sa high school, naging paborito na itong bakasyunan ng marami sa atin. Salamat kay Eddie Roberto, o sa parents niya na nakabili doon ng bahay at lupa, nagkaroon tayo ng isang ligtas at libreng lugar para magsama-sama.

Ang Angono ay isang munisipalidad na sakop ng lalawigan ng Rizal at may layong 30 kilometro mula sa Maynila. Binansagan itong art capital* ng Pilipinas dahil dito nanggaling ang dalawang national artists na sina Lucio San Pedro para sa musika at Botong Francisco para naman sa sining.

Tuwing sem break madalas puntahan ng mga peps ang Angono. Wala namang problema ang paggamit ng bahay dahil hindi pa lumilipat sina Eddie. Sa loob ng ilang araw, mamumuhay nang sama-sama ang barkada. Ambag-ambag sa pagkain at toka-toka sa pamamalengke, pagluluto, paghuhugas ng pinggan at paglilinis ng bahay. Pati nga pagbubunot ng damo ay itinakda na rin ni Eddie bilang gawain ng mga bisita.

Sinu-sino ba ang mga nakarating sa Angono? Binabalikan namin ang mga larawang naisalba pa ng ilan sa atin at naririto ang mga peps na nakapagbakasyon na roon: Dado, Ariel, Didi, Jaime, June, Buddy, Keith (?), Lito, Larry, Mel, Eric, Yoly, Ana Marie, Rorie, Zeny, George, Gil (Buan) at Mario.

Sa mga guro naman, nakasama na rin sina ma’am Fe Calope, Lilia Andres, Fe Capule, na siyang pumalit kay Mrs. Baking matapos ma-promote ang huli bilang journalism supervisor, at Junette Recamonte, na bagong English teacher noon.

Angono DaysMaraming kwento ang Angono. Unang-una na, marami sa peps ay dito natutuhan o na-master ang pag-inom. Marami na rin ang “nabinyagan” ni Larry sa kanyang “pabrika” ng lambanog sa Pritil, pero sa Angono ay hindi ka mag-aalalang uuwi ng lasing, susuka sa kalye at mababagansya ng pulis.

Naging ritwal na noon na pagkagat ng dilim ay mangungolekta na ng pantoma. Kadalasan ay gin bulag na hinahaluan ng pineapple juice ang inumin. Kung may pera, may pangbanlaw na beer at may pulutan pang Chippy, Oishi o kornik. Habang lumalalim ang gabi, lumalakas din ang tama ng alkohol sa lahat. (Take note: Hindi po umiinom noon ang IV-1 girls. Nilulunod lang nila ang mga sarili sa pineapple juice or Coke.)

Sari-sari ang napag-uusapan noon, pero madalas na paksa ng grupo ay ang kanilang high school days. Paulit-ulit lang naman ang mga kwentong ito, pero hindi nawawala ang malakas na hagalpakan. Kung may kapitbahay lang sina Eddie, gabi-gabi siguro’y binabato ang bahay dahil sa walang-patid na hagikgikan.

Sa umaga, lahat ay may hangover. Para mawala ang sakit ng ulo ay mag-iikot-ikot ang mga peps sa loob ng subdivision. Sa pamamasyal na ito natagpuan ang isang sapa na gustung-gustong lusungin, hanggang sa muntik pang mapaaway sa isang tagaroon. Hindi kasi alam ng mga inosenteng bakasyunista na ginagamit pala ng mga residente ang tubig-sapa sa kanilang paglalaba. Sa kainlang  paglusong minsan, biglang nangitim ang tubig sa putik na inararo ng kanilang mga paa.

Angono days

At kung away ang pag-uusapan, may tampuhan ding nangyari minsan. Nagbubunot ng damo noon si Eddie sa labas at napagkaisahang itago ang susi ng bahay. Dahil walang umaamin, biglang siyang nag-alburuto. Tahimik na nilinis lahat ng kaldero, binunot ang ref, nagwalis-walis: malinaw na deklarasyon ng kanyang pagpapalayas sa mga bisita.

Nailabas na ang susi pero ayaw pa ring kibuin ni Eddie ang mga kamag-aral. Kalat-kalat lang nakaupo ang mga ito sa loob ng bahay at walang umiimik, naghahanda sa maagang pagbalik sa Maynila. Sa gitna ng katahimikan ay biglang narinig si Kuya Cesar sa nakabukas na radyo. Nagkatinginan at bigla na lang naghagalpakan ng tawa ang lahat, pati na si Eddie. Solved, and we lived happily ever  ….

Pero teka, hindi pa doon natapos ang kwento. Ang napagkaisahang pag-tripan naman kinagabihan ay si Jaime. Si Jaime ay nagtatrabaho na noon sa Makati at sa Angono siya matiyagang umuuwi para makasama lang sa bakasyon. Ang drama: galit-galit pa rin ang mga tao dahil sa nawalang susi at patuloy na di nagkikibuan. Dahil magagaling na aktor, napaniwala si Jaime sa kunwari’y hindi pa nalulutas na alitan. Nag-asta siyang barangay captain para pagbatiin ang lahat, pero bawat lapitan niya’y lumalayo sa kanya, tutungo sa kwarto o sa banyo at ibabagsak nang ubod-lakas ang mga pintuan.

Angono pic

Kalaunan, hindi na rin nakatiis ang mga peps at biglang naghagalpakan. Kaya ang nangyari, si Jaime naman ang nagalit. Nagbihis at sinabing uuwi na raw siya, kahit pa nga dis-oras na ng gabi. Sinundan siya ni Larry sa kwarto at pinaliwanagan, habang ang mga naiwan sa labas ay inihahanda na ang mga itinagong inumin. Ang siste, hindi rin nagpaamo ang Jaime at tinutoo ang bantang pag-uwi. Dito niya binitiwan ang kanyang wala-nang-kamatayang linyang “So you’re making me a toy!”, na nagbigay sa kanya ng award sa reunion natin noong 1988.

Nakakatuwang balikan ang mga araw na iyon ng peps sa Angono. Kung dati-rati’y hati ang grupo sa kanya-kanyang barkada noong high school, sa Angono’y bigla na lang nawala iyon at naging isa na lang ang samahan. Tiyak, nakatulong ang “maboboteng” usapan.

Kumusta na kaya ang bahay “natin” sa Angono? Malaki na rin siguro ang pinagbago nito, at tiyak pati na ng Angono. Tulad din natin. Ilang taon na rin ang lumipas nang mamayapa si Jaime, at tayo namang mga naiwan ay kung saan-saan na rin pinadpad at hinubog ng nagpapatuloy na paglalakbay.

Angono Days

[*Read the article, Art and Angono, by Ino Manalo if you want to read more on Angono’s vibrant arts scene.]

Pakipindot dito para sa iba pang larawan.

10 thoughts on “Angono days

  1. Remy Tuazon

    Hi, ang galing-galing naman ng website, sino ang may idea nito? CONGRATS! Ok and nakakaaliw basahin. Kaya lang ang daya ninyo… kayo-kayo lang (sa outing). Anyway, at least nagkaroon ng ganitong website. I hope that very soon we have our reunion. Nakakamiss talaga ang high school days natin…

  2. the Site Team

    Hi Remy! Welcome to the site. Finally, nakita ka rin namin or mas tama sigurong sabihin na natagpuan mo kami. This is the idea behind this site: to track you down and the rest of our classmates for the planned reunion. Sino may idea nito? See writeup over the site. Yung mga nag-iinuman sa pic ang nag-usap-usap about this. Matagal nang plano pero sa wakas ay natuloy rin. Now that you are “connected”, we do hope to hear more from you. And please help us find the other peps.

  3. Eddie Roberto

    Hello People! It’s me, Eddie Da Pogi. May update lang ako tungkol sa bahay sa Angono – hindi na sa amin yung bahay dun at pinagbili na namin dahil walang gustong tumira at malayo kasi. We’re all staying here in Quezon City…sa project 8 ako at parents ko at sa Tandang Sora naman yung brother ko. Congrats nga pala sa pamunuan nitong website at kahit dito ay makakabalita na ako tungkol sa inyo.

    Merry Christmas and a Happy New Year to all.

  4. Lito Parungo

    Hi, Eddie! Sayang naman ang bahay sa Angono. Wala na pala tayong babalikan doon? Ang dami pa naman sanang gustong magbalik or sumama for the first time. Part na talaga yun ng ating history. Anyway, after so many years, mapapasalamatan ka na rin namin sa iyong hospitality.

  5. Eric Macatangay

    Happy New Year. It’s me, Eric pero Marcus dito sa Jeddah Airport. Sana maulit uli ito parang “Pinoy Big Brother”, kasi that time puro isip bata pa tayo; now lahat ay matured na. Galing naman ng website na ‘to. Eh ako pa, addict ng mag-internet di lang sa YouTube me makulit pati na rin sa Friendster. Anyway pauwi ako for a short vacation at tulong ako sa paghahanap ng mga classmates nang mabuhay natin ang samahan. Miss ko na ang grupo at inuman. Where’s dado at Didi? Just see all my videos on http://www.youtube.com/marcusaicker.

  6. Ruby Rosa Gaviola-Guevarra

    Hello everybody, this is Ruby Gaviola now Guevarra. I’m glad that this website was born. Makapagtsitsika na tayo. We can communicate easily through this and I congratulate those behind this blog. Hope to see you all again soon. Take care everybody!

  7. Zeny Cervantes-Vigo

    Note: This is an excerpt from Zeny’s reflection on our January 5 meeting:

    Sorry to Eddie Boy that I have to talk about our get-together instead of first commenting on our Angono days because I just cannot hold my happiness about that recent event. Anyway, it’s never too late naman. You know Eddie, just like anybody who was able to visit your house in Angono, am truly grateful for your hospitality and I will never forget the experiences that we had during those days!

  8. Larry Ramos

    Adrian is correct, however, i would like to put either due to development or deterioration. Same sentiment I have re our place in Pritil, Tondo. Wala na ring babalikan. By the way for Eddie, p’re one of my former officemates here at Corporate Engineering URC is the son of tatay’s co-employee at Radiowealth and still residing in Angono. Alam nga niya yung dati nyong bahay dahit kalapit bahay lang ninyo. His name is Danny Ascotia. Ask tatay if Ascotia rings a bell to him.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s