Sandaang damit

Minsan, sa pagbabaliktanaw ng mga peps, ay napag-usapan kung ilang damit, maliban sa uniporme, meron sila noong hayskul. Halos pare-pareho ang sagot: konti lang. Yung iba nga, isa o dalawang pares lang ng pantalon at t-shirt meron. Kaya kapag naatasang sumayaw sa school program, halimbawa, napipilitan na lang na manghiram sa kani-kanilang mga kaibigan o kamag-anak.

Muling sasagi sa isipan ng mga magkakamag-aral ang kuwentuhang katulad nito kapag nabasa nila ang “Sandaang damit” ni Fanny Garcia, na ang ilang bahagi’y aming ilalathala dito. Ang kuwento ay isa sa mga obrang tinipon sa Sandaang damit: 16 na maikling kuwento ng isa mga pinakamahusay nao manunulat ng bansa.

Nagtamo na ng maraming Palanca awards, si Fanny ay ipinanganak sa Malabon noong 1949 at nagtapos ng edukasyon sa Unibersidad ng Pilipinas. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Pamantasang De La Salle, maliban sa pagiging pinuno ng Departamento ng Filipino ng unibersidad.

Sandaang damit
Sinulat ni Fanny A. Garcia

May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag-iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.

Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.

Kapag oras ng kainan at labasan ng kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate.

Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.

Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.

Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat-labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”

At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.

Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.

Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.

Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.

“Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”

Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang isinusuot mo?”

Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”

“Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.

“Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”

At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking bulsa.

Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.

Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.

Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.

Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.

Sandaang damit na pawang drowing lamang.

About these ads

Tags:

14 responses to “Sandaang damit”

  1. James Oliver Mateo says :

    naalala ko bigla yung karanasan ko sa elementarya, sa rizal elementary school. nung pinagalitan ako ng teacher ko dahil bakit daw ang dumi-dumi ng suot kong damit. hindi ko masabi na iyon lang ang uniporme ko. nang sinabi ko sa nanay ko, naawa yata sa ‘ kin dahil kinabukasan lang, pag-uwi ko galing sa skul, meron na akong bagong uniporme. huli ko na nalaman na nangutang lang pala siya.

    mapalad ako dahil hindi naranasan ng mga anak ko ang ganito. yung mga ganitong karanasan siguro ang dahilan kung bakit nagsikap ako sa buhay. mga maliliit na karanasan nung kabataan, pero ang epekto nito sa magiging pagtingin mo sa buhay, napakalaki.

  2. Amelia A. Inamarga says :

    Napakagandang kwento. Bigla ko tuloy naalala ang nanay ko na siyang nananahi ng mga damit naming magkakapatid kapag malapit na ang pasko noong mga bata pa kami. Bibili siya ng ilang yardang tela sa divisoria at isa-isa niya kami susukatan. At kapag pasko na paglabas namin ng bahay ay alam na agad ng mga tao na anak kami ni Aling Salud kasi iisa ang kulay at tabas ng aming damit. Na para bang kaming sasayaw. Hehehe. Pero napakasuwerte ko pa rin, kasi may ilang piraso ako ng damit kahit puro katerno ng mga damit ng mga kapatid ko. Hahaha. Namiss ko bigla ang Nanay ko.

    The Site Team: Tama ka, Amy. Ganun kamalikhain ang mga magulang pagdating sa kapakanan ng mga anak.

  3. Yves says :

    napakagandang kwento.

  4. Analo says :

    Pwede ko bang makita ang picture ng author nito, si Fanny Garcia po?

    The Site Team: Pasensya na po, pero wala kaming litrato ni Fanny.

  5. Christopher John Braza says :

    Nakakatouch naman po yung kwento..

  6. Wendel Banu says :

    ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-aaral…mayaman man sila,mapera man sila hindi iyon dapat maging basehan para ikaw ay panghinaan ng loob para magpursige sa pag-aaral

  7. Arjay Daguman says :

    anu puh ba ung aral d2 sa kuwento na toh sujestion ko lng poh

  8. Roy Joanna says :

    natuwa ako sa attitude ng bata dahil upang maibsan ang lungkot dinaan niya sa imahinasyon at pinilit maging masaya ang sarili bagamat ito ay may halong hindi maipaliwanag na katotohanan ang importante ay naging positibo siya sa buhay..noong ako ay nag aaral pa noon high school isang pares lamang ang aking sinusuot na uniporme pati din ang aking mga kapatid araw araw kong nilalabahan ang aming mga damit at pinaplantsa sa plantsang di uling.. sinisikap kong malinis at maayos kahit ako ay mahirap lamang kaya dama ko at kita ko ang pagkukutya din ng mga lihim na mata sa akin ng aking mga kaklase ang aking isip bagamat isa lng ay napapanatili kong malinis at maayos isa man ang aking uniporme…ang aral dapat hindi natin dapat husgahan ang ating kapwa sa anumang nakikita ng tao sa aktuwal dapat ay lagi natin panatilihin ang malinis na paningin sa atin kapwa upang higit na tayo ay makadama ng kaunting tiwala man lng sa sarili at kapwa upang mabuhay tayo ng simple masinop at disente…

  9. Daniel Sapa says :

    natuwa ako sa bata dahil kahit na mahirap lamang ay dinaan na lamang nya ito sa imahinasyon.

  10. Sarah Maglaya says :

    masaya dahil kahit ganun man ang pananaw ng kanilang buhay ay naipagtanggol niya pa rin ang kanyang sarili sa kanyang mga kaklasey

  11. Jhaine says :

    i think it is a really good story for students. this story can be an inspiration to them.

  12. Thea Lyka Diar says :

    This story makes me realize that I am lucky enough that I was born and belonged to “not so” settled family, coz if not, i may not able to enjoy and experience the value and true essense of life. nice story! =)

  13. Jascha says :

    napaka ganda ng kwento na iyan pwede po kau gumawa ng buod nito ??

  14. Paul Vincent C. Diosana says :

    Ang ganda ng kwentong ito namangha ako sa isinulat na kwento ni Fanny Garcia… At salamat po sa site na ito dahil nagka assignment ako. Dahil.sa.site niyo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 287 other followers