Sulat ng anak

Naaalala n’yo pa ba ang Sulat ni Tatay at Nanay sa atin na  inilathala natin dito sa ating blog? Marami rin ang naantig sa artikulong iyon na sinulat ni Fr. Ariel Robles. Ngayon naman ay ang sagot sa naturang sulat ng isa ring pari na nagpakilala bilang Fr. Den, isang youth minister. Sa punto-de-bista naman ng isang anak ang isinulat ito. Salamat kay Fr. Den sa pagpapadala nito at kay Oliver B. Santos ng Samahang Makasining para sa painting na ginamit namin sa artikulo.

***

Sagot ng anak sa sulat ni tatay at nanay
Sinulat ni “Fr. Den”

Habang ako’y bata, unawain n’yo sana ako at pagpasensyahan.

Kapag dala ng aking kamusmusan ay makabasag ako ng pinggan o makatapon ng sabaw sa hapag kainan, Huwag n’yo naman sana akong murahin, pilipitin ang tenga at bulyawan. May damdamin din po ang isang bata. Nasisira ang tiwala at respeto ko sa sarili tuwing sisigawan ninyo ako.

Kapag hindi ko kayo kaagad narinig at hindi ko naintindihan ang sinasabi n’yo, huwag n’yo naman sana akong sabihan ng “matigas ang ulo,” tarantado , gago at bobo!” pakiulit na lang po nang malumanay o kaya’y ipaliwanag n’yo sa akin ang gusto n’yong gawin ko. Pasensya na po kayo, ‘Tay at ‘ Nay, bata pa lang po talaga ako. Marami pa akong di alam at di maintindihan sa mundo.

Kapag nanghihina ang loob ko, pagtiyagaan n’yo sana akong tuluyang makatayo sa sariling paa. Alalayan n’yo po ako sa aking paghakbang at huwag n’yo po akong ikumpara sa inyo nung bata pa kayo.

Iba na po ang panahon ko ngayon at marami po akong kinakaharap na bagong sitwasyon na maaaring wala nung panahon ninyo.

Pagpasensyahan nyo na lang po ang aking kakulitan at paulit-ulit na parang cd na nagasgasan. Basta pakinggan nyo na lang po ako.

Huwag nyo po sana akong pagtawanan o pagsawaang pakinggan at pagsabihang “narinig ko na yan. Papunta ka pa lang, pabalik na kami.”

Natatandaan nyo pa ba nung bata rin kayo, baka po mas makulit pa kayo kesa sa akin. Siguro po pinagtyagaan rin ng mga lolo at lola ang kakulitan nyo. Kaya po ‘pag nangungulit ako, huwag nyo naman akong bulyawan ng “tumahimik ka dyan kundi makikita mo!”

Pagpasensyahan n’yo na po kung amoy araw at pawis ako. Masarap po kasi ang maglaro at sige po, maliligo na lang po ako.Ganyan po kasi ang bata, maraming enerhiya sa katawan at masyadong aktibo ang isipan. Pakiusapan n’yo na lang po ako at sana’y ‘wag sigawan ng “ang baho-baho mo na, maligo ka ngang bata ka!” Siguro po nung bata pa kayo, pinipilit rin kayong paliguin ng mga lolo at lola dahil nanlimahid din kayo.

Huwag naman po sana kayong madalas magsungit. Mas maganda po yung tumatandang masaya. Sana po, kahit matanda na kayo, huwag niyong kalilimutan ang sigla ng kabataan n’yo. Ayoko pong tumandang gaya n’yo kung lagi kayong masungit.

Kapag po may kaunti kayong panahon, magkuwnetuhan naman po tayo. Huwag lang po puro trabaho. Nakakasawa na rin po kasing mga barkada ko lang ang interesadong makinig kung ano ang nangyayari sa buhay ko. Alam ko pong busy kayo sa trabaho para buhayin ako, pero nais ko pong malaman niyo na gusto ko pong madama na interesado kayo sa mga kuwento ko. Narinig ko po minsan na yung anak ng kapitbahay natin, si Teddy, nalulong po sa droga dahil wala pong oras ang kanyang magulang na kumustahin man lang siya.

Kapag ako po ay nagkasakit, haplusin niyo naman po ako at ‘wag lang iiwanan kay Yaya at painumin ng gamot. Mas madali daw po kasing makapagpagaling ang haplos ng pagmamahal ng magulang.

Pagpasensiyahan n’yo na po kung minsan ay maihi o madumi ako sa aking salawal. Huwag n’yo po sana akong papaluin. Tutal po ‘pag malaki na ako, mahihiya na rin po ako. Bata pa lang po kasi ako eh.

At kapag dumating na po ang oras na kaya ko nang tumayo sa sarili kong paa at harapin ang buhay na mag-isa, at sakali pong kayo ay pumanaw na, huwag po kayong mag-alala dahil naihanda po ninyo ako nang husto para harapin ang buhay. Maipagmamalaki po ninyo sa Diyos na naging mabuti kayong magulang … at maikukuwento ko rin po sa aking mga anak na kayo ay naging mapagmahal na ama’t ina.

About these ads

Tags:

2 responses to “Sulat ng anak”

  1. Roger Salas says :

    Ang bottom line, depende talaga sa tao kung paano siya nakikitungo sa kapwa niya nilalang. Isa ka mang anak, magulang, kaibigan, o kahit kakilala lang.

  2. Luisito C. Hagos says :

    That was great. I was touched. Terrible.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 287 other followers