Sandosenang sapatos

Nakakapagbasa pa ba kayo ng mga kathang panitikan ng mga Pinoy? O ang atin bang pagbabasa ay natapos na sa Diwang Kayumanggi at iba pang librong binabasa natin noong hayskul? Bigla lang naming naisip ito nang matalisod namin ang kwentong pambatang ito na sinulat ni Dr. Luis P. Gatmaitan. Nanalo ng unang gantimpala sa Gawad Palanca noong 2001, ang maikling kwento ay tungkol sa busilak na pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sana’y magustuhan ninyo.

******

Sandosenang sapatos
Sinulat ni Luis P. Gatmaitan

SAPATERO SI TATAY. Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos dito sa aming bayan. Marami ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi, tatalunin pa raw ng mga sapatos ni Tatay ang mga sapatos na gawang-Marikina. Matibay, pulido, at malikhain ang mga disenyo ng kanyang mga sapatos.

“Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo? Kay ganda!? Siguro, dinadalaw ka ng musa ng mga sapatos at suwelas? Parang may madyik ang iyong kamay!”

Sa lahat ng papuri, matipid na ngingiti lamang si Tatay. Tahimik na tao si Tatay. Bihirang magsalita.

LUMAKI AKONG KAPILING ang mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas ay kinaiinggitan ako! ng mga kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero ang Tatay ko. Lagi tuloy bago ang sapatos ko kapag pasukan, kapag pasko, kapag bertdey ko, o kung nakatanggap ako ng honors sa klase. Ginagawan pa niya ako ng ekstrang sapatos kapag may mga tira-tirang balat at tela.

“Buti ka pa Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate ko. Sa ‘kin napupunta lahat ng pinagkaliitan nya,” himutok ng isang kaklase.

Nasa Grade II na ako nang muling magbuntis si Nanay. Kay tagal naming hinintay na magkaroon ako ng kapatid. Sabi ng Lola ko, sinagot na raw ang matagal nilang dasal na masundan ako.

“Naku, magkakaroon na pala ako ng kahati sa mga sapatos! Pero di bale, dalawa na kaming igagawa ni Tatay ng sapatos ngayon.”

Habang nasa tiyan pa si baby, narinig kong nag-uusap sina Tatay at Nanay.

“Nagpa-check up a! ko kanina. Sabi ng doktora, babae raw ang magiging anak natin!”

“Talaga! Kung babae nga, pag-aralin natin ng ballet. Gusto kong magkaanak ng ballet dancer! Ngayon pa lang ay pag-aaralan ko nang gumawa ng mga sapatos na pang-ballet.”

PERO HINDI LAHAT ng pangarap ni Tatay ay natupad. Nagulat kaming lahat nang makita ang bago kong kapatid. Wala itong paa. Ipinanganak na putol ang dalawang paa!

Nakarinig kami ng kung ano-anong tsismis dahil sa kapansanan ng kapatid ko. Siguro raw ay binalak na ipalaglag ni Nanay ang kapatid ko kaya kulang-kulang ang parte ng katawan. Nilusaw raw ng mga mapinsalang gamot ang kanyang mga paa. Isinumpa raw ng mga diwata ng sapatos si Tatay dahil mahal na itong sumingil sa mga pasadyang sapatos. O baka raw ipinaglihi si Susie sa manika.

“Nanay, bakit po ba walang paa si Susie?”

“Nagkaroon kasi ako ng impeksyon anak. Nahawa ako ng German measles habang ipinagbubuntis ko pa lang ang kapatid mo. At iyon ang naging epekto,” malungkot na kuwento ni Nanay.

Hindi na magiging ballet dancer ang kapatid ko. Malulungkot si Tatay. Araw-araw, ganun ang naiisip ko kapag nakikita ko ang mga paa ni Susie. Kaya pinilit ko si Nanay na muling pag-aralin ako sa isang ballet school (dati kasi, ayaw kong mag-ballet).

“Pero, Misis, bakit hindi n’yo po subukang i-enrol si Karina sa piano, o sa painting, o sa banduria class? Hindi yata talagang para sa kanya ang pagsasayaw,” sabi ng titser ko sa Nanay ko.

Nalungkot ako. Hindi para sa aking sarili, kundi para kina Tatay at Susie, at sa mga pangarap na masyadong mailap.

SAKSI AKO KUNG paanong minahal siya nina Tatay at Nanay. Walang puwedeng manloko kay Bunso. Minsan, habang kami ay nagpipiknik sa parke, may isang mama na nakakita kay Susie.

“Tingnan nyo o, puwedeng pang-karnabal yung bata!” turo nito kay Susie.

Biglang namula si Tatay sa narinig. Tumikom ang mga kamao. Noon ko lang nakitang nagsalubong ang mga kilay ni Tatay. Muntik na niyang suntukin ito.

“Ano’ng problema mo, ha?” Mabuti’t napigilan siya ni Nanay.

Isang gabi, habang nakahiga kami sa kama, narinig kong kinakausap ni Tatay si Susie.

“Anak, hindi baleng kulang ang mga paa mo. Mas mahalaga sa amin ng Nanay mo na lumaki kang mabuting tao at buo ang tiwala sa sarili.” Masuyo niya itong hinalikan.

Hindi tumigil si Tatay sa paglikha ng sapatos para sa akin. Pero napansin ko, kapag sinusukatan niya ang paa ko, napapabuntung- hininga siya. Pagkatapos ay titingin sa kuna.

“Sayang, Bunso, di mo mararanasang isuot ang magagarang sapatos na gawa ni Tatay,” bulong ko sa kanya.

LUMAKI KAMI NI Susie na malapit ang loob sa isa’t isa. Hindi naging hadlang ang kawalan niya ng paa para makapaglaro kami. Marami namang laro na di nangangailangan ng paa. Lagi nga niya akong tinatalo sa sungka, jackstone, scrabble, at pitik-bulag. Ako ang tagapagtanggol niya kapag may nanghaharot sa kanya. Ako ang tagatulak ng wheelchair niya. Ako ang ate na alalay!

Noon ko natuklasan na marami kaming pagkakatulad. Parehong magaling ang aming kamay kaysa aming mga paa. Ako, sa pagpipinta. Siya, sa pagsusulat ng mga kuwento. At oo nga pala, si Tatay, kamay rin ang magaling sa kanya!

MINSAN, GINISING AKO ni Susie. Sabi niya, nanaginip siya ng isang pambihirang sapatos. Napakaganda raw nito sa kanyang mga paa.

“May paa siya sa panaginip?” gulat na tanong ko sa sarili.

“Maniwala ka, Ate, kay ganda ng sapatos sa panaginip ko. Kulay dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap!”

Magbebertdey siya noon. At napansin ko, tuwing nalalapit na ang kanyang kaarawan, nananaginip siya ng mga sapatos.

“Ate, nanaginip na naman ako ng sapatos. Kulay pula ito na velvet at may malaking buckle sa tagiliran.”

Binanggit din niya sa akin ang sapatos na kulay asul na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri niya. Ang sapatos na puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Ang sapatos na yari sa maong na may burdang buwan at mga bituin. Ang sandalyas na parang lambat. Ang kulay lilang sapatos na may nakadikit na bilog na kristal sa harap.

Manghang-mangha ako sa kung paanong natatandaan niya maski ang pinakamaliliit na detalye ng mga sapatos, ang disenyong bulaklak, ribbon, butones, sequins, beads, o buckle. Inaangkin niya ang mga sapatos na yon.

“Ate, paglaki ko, susulat ako ng mga kuwento tungkol sa mga sapatos na napapanaginipan ko. Ikaw ang magdodrowing, ha?”

PAGLIPAS PA NG ilang taon, namahinga na si Tatay sa paglikha ng mga sapatos. Gumagawa na lamang siya ng sapatos para sa mga suking di matanggihan. Noong nagdaos siya ng kaarawan, niregaluhan ko siya ng isa kong painting na may nakapintang isang pares ng maugat na kamay na lumilikha ng sapatos. Binigyan naman siya ni Susie ng isang music box na may sumasayaw na ballet dancer.

“Pinasaya nyo ang Tatay nyo,” sabi ni Nanay.

Pagkatapos noon, naging masasakitin na siya. Labindalawang taon si Susie nang pumanaw si Tatay.

ISANG ARAW, HINDI sinasadya’y napagawi ako sa bodega. Naghahalungkat ako ng mga lumang sapatos na puwedeng ipamigay sa mga bata sa bahay ampunan. Sa paghahalughog, nabuksan ko ang isang kahong mukhang matagal nang hindi nagagalaw. Naglalaman ito ng maliliit na kahon. Mga kahon ng sapatos na maingat na nakasalansan!

“Para kanino ang mga sapatos? May umorder ba na hindi nai-deliver?” tanong ko sa sarili.

Pero nang masdan ko ang mga pares ng sapatos na ‘yon, nagulat ako. Taglay ng mga sapatos ang pinakamahuhusay na disenyo ni Tatay. Iba-iba ang sukat nito. May sapatos na pang-baby. May sapatos na pambinyag. May pang-first communion. May pangpasyal. May pamasok sa eskuwelahan. May pangsimba. May sapatos na pang-dalagita.

Lalo akong nagulat nang mabasa ang kanyang dedication sa nakasabit na papel:

Para sa pinakamamahal kong si Susie,
Alay sa kanyang unang kaarawan.

Inisa-isa ko ang mga kahon. Lahat ng sapatos na nandoon ay para kay Susie. Diyata’t iginagawa ni Tatay si Susie ng mga sapatos?

Para kay Susie, lugod ng aking buhay
Sa pagsapit niya ng ikapitong kaarawan

Taon-taon, hindi pumalya si Tatay sa paglikha ng sapatos sa tuwing magdaraos ng kaarawan si Susie! Sandosenang sapatos lahat-lahat.

Handog sa mahal kong bunso
Sa kanyang ika-12 kaarawan

Napaiyak ako nang makita ang mga sapatos. Hindi ko akalaing ganun pala kalalim magmahal si Tatay. Binitbit ko ang sandosenang sapatos at ipinakita ko kina Nanay at Susie.

“H-Hindi ko alam na may ginawa siyang sapatos para sayo, Susie.”

Namuo ang luha sa mga mata ni Nanay. “Inilihim niya sa akin ang mga sapatos…”

“A-Ate, ito ang mga sapatos na napanaginipan ko…” Hindi makapaniwalang sabi ni Susie habang isa-isang hinahaplos ang mga sapatos.

“Ha?”

Noon ko lang naalala ang mga sapatos na ikinukuwento ni Susie.

Dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap. Kulay pulang velvet na may malaking buckle sa tagiliran. Asul na sapatos na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri. Kulay puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Sapatos na yari sa maong na may burdang buwan at mga bituin. Sandalyas na parang lambat. Kulay lilang sapatos na may nakadikit na bilog na kristal sa harap.

Naisip ko, tinawid kaya ng pag-ibig ni Tatay ang mga panaginip ni Susie para maipasuot sa kanya ang mga sapatos?

Hindi ko tiyak.

Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi perpekto ang pagkakalikha sa kapatid ko. Pero may mga perpektong sandali. Gaya ng mga sandaling nilikha ni Tatay ang pinakamagagarang sapatos para kay Susie.

About these ads

Tags: ,

18 responses to “Sandosenang sapatos”

  1. Chie dela Pena says :

    nakakatouch naman ang kwento, nakakaiyak naman….

  2. Amelia Agam-Inamarga says :

    Napakagandang kuwento ng pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak. Napaiyak na naman nyo ako. Nasagi nyo ang pusong ina ko. Ang pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak ang true meaning ng unconditional love.

  3. Lester Inocencio says :

    napakaganda ng istorya tungkol sa pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak…. hope to read more stories like this…kapupulutan sya ng aral…

  4. Pearly Jaramilla-Sia says :

    very touching and inspiring story. kung lahat ng magulang katulad niya siguro wala nang anak na malulungkot. i love it.

  5. Czarina Abenoja says :

    Tumulo talaga ang luha ko…

  6. Eric Macatangay says :

    ano ba yan tinamaan ako ng homesick dito ah..kakatouch. galing naman ng istorya…..kakaiyak..

  7. Cecilia A. Capones says :

    nakaka-inspire at nakaka-bless ang kwento po niyo, dok.

  8. Nicole Maceda says :

    Nung nabasa ko yung kwento muntik na akong mapaiyak. Mayroon akong kaibigan na Susie ang pangalan, who I suddenly remembered while reading this story. Mahilig din siya sa sapaatos. Her father died at a young age. I love her as a friend and she confided to me a story that was really hard to share to somebody else. I want her to be happy and still be the same kung ano na siya ngayon. Yun lang and thanks. I enjoyed this short story.

  9. Julianne Kaye Manzano says :

    ang ganda naman. di ako makapaniwala.

  10. Amelita Trinidad says :

    napaakgandang kwento,simpleng pamilyang puno ng pgmamahal na di kinukwestyon ang pisikal na kakulangan, kundi isang malalim at walang hanggang pag-ibig ng magulang sa anak.

  11. Riza Salao says :

    love u tatay!

  12. Jenalyn says :

    somebody please help me where can i find the summary of this story? in tagalog. >.< im in such a hurry . please help. ! thank you in advance to those who can help me.

  13. Teresita T. Gonzales says :

    hinanap ko talaga ang kwentong eto … nakaka-touch… pagmamahal ng isang ama sa anak… at pagmamahal ng ate sa bunsong kapatid… marami pang kwento ang may-akda nito…

  14. Cyrene Jezeriel Lachica says :

    ano po ba ang moral lesson ng kwento?

  15. Peter Paul Estilloso says :

    kahet na anung kapansanan ay hindi hadlang sa pag tupad ng pangarap .. tulad ni susie, na naging magaling siya sa pagsulat mga kwento .

  16. Reanne Mendoza says :

    SOBRA NAKAKAIYAK. :(

  17. Sheryn Mae Maynocao Fabay says :

    it’s so cute story talaga.

  18. Angie Parutchel says :

    ang ganda nakakaiyak.,.,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 287 other followers