Naaalala pa ba n’yo yung isang post natin tungkol sa ating mga magulang (Parental wisdom, Pinoy style)? Doo’y binabalikan natin, sa nakatatawang paraan, ang di-pagkakaunawaang madalas mangyari sa relasyong magulang at anak.
Nabasa iyon ng isang masugid na mambabasa ng ating blog, at kamakailan ay ipinadala niya ang isang artikulong nabasa niya sa internet na may katulad ding tema. Pero dito, perspektib naman ng magulang ang diin. Sinulat ito ni Rev. Fr. Ariel F. Robles, spiritual director ng St. Augustine Parish sa Baliuag, Bulacan.
Sana’y magustuhan n’yo rin, sabi ng ating avid reader na nakabase sa Los Angeles, California.
Babala: Seryoso ang artikulo kaya ihanda na ninyo ang inyong mga panyo. Pwede n’yo ring ibahagi ito sa ating mga kapatid, anak at kaibigan ….
Sulat ni Tatay at Nanay sa Atin
Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan.
Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan
o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan.
Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan
ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan
ng “binge!” Paki-ulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na lang.
Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong
tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo
noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay
nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka.
Basta pakinggan mo na lang ako. Huwag mo sana akong
pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.Natatandaan mo anak noong bata ka pa?
kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo ‘yong sasabihin,
maghapon kang mangungulit hangga’t hindi mo nakukuha ang gusto mo.
Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa.
Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan.Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtyagaan kitang habulin
sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako’y masungit,
Dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap.
Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik
Na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.Natatandaan mo anak, noong bata ka pa?
Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin
ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.At kapag dumating ang sandali na ako’y magkakasakit
at maratay sa banig ng karamdaman,
huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan,
Pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay.
Tutal hindi na naman ako magtatagal.Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay
At bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,
ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana ….
Dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama’t ina ….
Filed under: The Present | Tagged: general readings


I have heard the letter from DZMM, na touch din ako sa letter na ito. na-publish din ito sa mga tabloid.
Maganda itong basahin ng mga anak na binabalewala ang ang parents nila, hinahayaan na alagaan ng ibang tao, kasi ang reason nila is busy sila.
Please send me a copy to my email ad. Thanks.